Arestado ang isang CICL o children in conflict with the law matapos na mambugbog at makuhaan ng pakete ng hinihinalang shabu sa Barangay Punta Baja, Rizal, Palawan noong Disyembre 24, pasado 5:30 ng umaga.
Ang mga biktima ay sina Christian Blas Magbanua, 20-anyos, at Aldrean Payos Dulman, 21-anyos, na parehong residente sa nabanggit na lugar.
Ayon sa ulat ng Palawan Provincial Police Office (PPO), personal na dumulog at nag-report ang dalawang biktima sa Rizal Municipal Police Station (MPS) ukol sa insidente nang gulo na naganap sa nasabing lugar.
Agad din itong pinuntahan ng mga awtoridad upang magsagawa ng imbestigasyon. Sa pagsisiyasat, ang CICL at kasama nito ang nambugbog umano sa mga biktima gamit ang isang improvised na 4 finger knuckles (Pichakorno).
Tinungo ng mga awtoridad ang tahanan ng CICL at nakuhaan ng isang pirasong posporo, isang 4 finger fist knuckles na hinihinalang ginamit sa pambubugbog, at 2 piraso ng pakete ng hinihinalang shabu.
Ang inventory at dokumentasyon ng kinumpiskang mga bagay ay isinagawa ng mga awtoridad sa harap ng CICL at sinaksihan ng mga opisyal ng Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal.