Menor de edad, patay matapos makasalpukan ang isang van sa Aborlan

Kuha ang larawan ng mga tauhan ng Aborlan Municipal Police Station

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang menor de edad na motorista matapos bumangga sa kasalubong na van sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Ramon Magsaysay, Aborlan, pasado alas-siyete ng umaga nitong Linggo, Setyembre 21.
Sangkot sa aksidente ang isang KIA na sasakyan na minamaneho ni alyas “Rodel”, 37, na naunang nabangga ng biktima sa likurang bahagi bago mapunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan kasalubong nito ang isang Toyota Hiace commuter van na minamaneho ni alyas “Jay”, 43, at residente ng Brgy. Malatgao, Narra.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay umano ng biktima ang kahabaan ng Brgy. Magsaysay mula Brgy. Cabigaan (simula hilaga patungong timog) habang nasa harapan naman nito ang isang KIA na sasakyan. Pagdating sa lugar ng aksidente, nabangga umano ng biktima ang likurang bahagi ng KIA dahilan upang malipat sa kabilang linya at makasalpukan ang paparating na van.
Isinugod pa ng mga rumespondeng kawani ng MDRRMO ang biktima sa Aborlan Medicare Hospital ngunit, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan, hindi na umabot ng buhay ang biktima at idineklarang dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor.
Kaugnay nito, kasalukuyang nasa kustodiya ng Aborlan Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan para patuloy na imbestigasyon at tamang disposisyon.
Exit mobile version