Miyembro ng Bantay-Palawan ng Brooke’s Point, arestado dahil sa pagtaga sa lasing

Isang 28 taong gulang na miyembro ng Bantay-Palawan ang nahaharap ngayon sa kasong homicide matapos na umano’y mataga ang isang residente ng Brooke’s Point kahapon ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Jerome Cahayag Bacalla, residente ng Sitio Buligay, Brgy. Poblacion District I, Brooke’s Point habang ang biktima ay si Nerio Lichaoco “Junjun” Raña, 39, may asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Poblacion District II ng nasabi ring munisipyo.

Sa spot report na ibinahagi ng Palawan Police ngayong araw, nakasaad na habang naka-duty ang mga kawani ng Bantay-Palawan, kasama na ang suspek, bandang 3:50PM kahapon sa bahagi ng Brgy. Poblacion District I, nang bigla na lamang umanong sumugod ang biktima na ng mga oras na iyon ay nasa espiritu ng alak.

Sa puntong iyon ay kinompronta umano ng biktima ang suspek at ang kasamahan nitong si Romeo Caya na nagresulta ng mainit nilang pagtatalo bagamat hindi na idinetalye pa ng mga otoridad ang paksa ng kanilang argumento.

Ilang sandali pa ay kinuha umano ng biktima ang gulok sa loob ng kubo na outpost ng Bantay-Palawan ngunit sinikap umanong agawin ito ni Caya kaya nahulog ang nasabing gulok na kinuha naman umano ng suspek at agad na pinagtataga ang biktima ng ilang beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Naisugod pa umano ng MDRRMO Brooke’s Point si Raña sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) ngunit dineklara na siyang dead on arrival ng doktor.

Samantala, habang isinusulat naman ang balitang ito ay nasa kustodiya na ng Brooke’s Point Municipal Police Station ang nasabing suspek na nahaharap ngayon sa kasong pagpatay, batay sa probisyon ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code o homicide.

Exit mobile version