Isa ang patay sa aksidente ganap na 4:30 kaninang umaga ika-18 ng Pebrero sa kahabaan ng North National Highway kilometer 11, Sitio Asiran, Barangay Tagburos sa lungsod ng Puerto Princesa.
Kinilala ang nasawi na si Karl Louis Bael, 27 anyos, residente sa Tagaytay City habang kinilala naman ang pitong kasamahan nito na sina Jerald Joshua Capariño Tinsay, 24, residente sa Cavite City, Jimbol Didal Concepcion, 34, residente sa Pasay City at Juliwill Mallari nasa hustong gulang, residente sa Laguna City na mga empleyado ng Decathlon.
Kasama din sina Errol Luarca, estudyante, at ang mga negosyanteng sina Florenz Shaina Fabella, 26, Francis Karlo Fabella, 28, Rasberry Englatera Alevio, 31 at parehong residente ng Pasay City.
Ayon sa imbestigasyon ng Police Station 1, bumiyahe mula bayan ng El Nido ang tourist van na minamaneho ni Israel Ubay, 44 anyos, papunta sa lungsod sakay ang walong biktima, dahil hinabol ng mga ito ang kanilang flight papuntang Manila.
Sa naging salaysay nito, nakaidlip umano siya dahilan upang maganap ang aksidente. Bumangga ang van na kanilang sinasakyan sa masukal na bahagi sa kalsada at tumama sa street lights.
Naisugod naman sa pagamutan ang mga biktima ngunit dead on arrival na sa pribadong pagamutan si Bael.
Nasa pangangalaga na ng pulisya ang suspek at naharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Physical Injuries.