Pinalawig ng Social Security System (SSS) ng 180 araw ang bisa ng mga inisyung tseke sa Land Bank of the Philippines (LBP) mula Hulyo hanggang Disyembre 2020.
Ipinatupad ito matapos aprubahan ng LBP noong ika-12 ng Oktubre 2020 ang hiling ng SSS na palawigin pa ang bisa ng mga nasabing tseke mula 90 hanggang 180 araw.
Ayon kay SSS President at CEO Aurora C. Ignacio, ang inisyatibong ito ay naglalayon na mabigyan ang mga miyembro ng mas mahabang panahon upang mai-encash ang kanilang mga tseke para sa kanilang mga benepisyo at utang dahil maaaring mas matagal sa nakatakdang araw bago nila makuha ang mga ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng COVID-19.
Sinabi rin ni Ignacio na ang pagpapalawig na ito ay isang konsiderasyon sa iba’t ibang community quarantine restrictions na ipinapatupad upang mabawasan ang transmisyon ng COVID-19.
Ipinaalam ng LBP sa SSS na kanila nang hiniling sa kanilang mga bangko na tanggapin ang mga nasabing tseke.
Nauna na ring aprubahan ng LBP ang hiling ng SSS na palawigin ang bisa ng mga tseke na naibigay noong Pebrero hanggang Hulyo 2020 mula 90 araw hanggang 180 araw.
Para sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin ang SSS Facebook page Philippine Social Security System, Instagram account @my.sssph, o Twitter account @PHLSSS. Maaari ring sumali sa SSS Viber Community “MYSSSPH Updates,” o tumawag sa SSS hotline 1455.