SSS, pinalawig ang pagbabayad ng kontribusyon ng hanggang Hunyo 1

Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na bibigyan ang mga miyembro at employer ng hanggang Hunyo 1, 2020 upang makapagbayad ng kanilang kontribusyon.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio na pinalawig ng ahensya ang deadline sa pagbabayad ng kontribusyon matapos isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong bansa sa state of calamity dulot ng coronavirus disease 2019 (CoVID-19).
“Para sa mga self-employed, voluntary, at non-working spouse members, maaari nilang bayaran ang kanilang kontribusyon sa SSS para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso 2020 hanggang Hunyo 1, 2020. Para naman sa mga regular at household employers, mayroon din sila hanggang Hunyo 1, 2020 upang bayaran ang mga kontribusyon ng kanilang mga empleyado para sa buwan ng Pebrero, Marso, at Abril 2020 at hindi sila papatawan ng anumang multa,” sabi ni Ignacio.
Samantala, ang mga employer na may aprubadong installment proposals sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program ay kailangang mai-deposito ang kanilang post-dated checks para sa mga buwan ng Pebrero, Marso, Abril, at Mayo 2020 hanggang sa Hunyo 1, 2020.
Paliwanag ni Ignacio na ang retroactive payments ng mga miyembro na kabilang sa self-employed, voluntary, at non-working spouse ay hindi maaaring magamit bilang eligibility sa pag-claim ng kahit anong benepisyo kung ang petsa ng pagbabayad nito ay pumatak sa loob o pagkatapos ng semester ng contingency.
Ipinatupad ng Social Security Commission (SSC) ang deadline ng pagbabayad ng kontribusyon sa mga nasabing buwan bilang tugon limitadong paggalaw ng tao, operasyon ng ilang mga bangko, at bilang ng kawani sa mga sangay ng SSS.
“Alam naman nating lahat na ang buong bansa ay nakasailalim sa enhanced community quarantine upang malimitahan ang paggalaw ng publiko. Batid namin ang hirap na dinaranas ng aming mga miyembro  at employers sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon dahil pansamantalang suspendido ang mga tellering services sa mga tanggapan ng SSS at limitado rin ang operasyon ng ilang mga bangko. Kaya naman napagdesisyunan namin na pahabain pa ang deadline para sa kaligtasan at kaginhawan  ng aming mga miyembro at empleyado,” paliwanag ni Ignacio.
Pinaalalahanan din ni Ignacio ang mga employer na matapos ng Abril 2020, balik na sa dating regular na iskedyul ang pagbabayad ng kontribusyon. Para naman sa mga self-employed, voluntary, and non-working spouse member, magbabalik sa dati nitong deadline ang pagbabayad pagkatapos ng Marso 2020.
Hinihikayat rin ng SSS ang mga miyembro at employer na gamitin ang online at mobile payment facilities sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon. Para sa mga indibidwal na miyembro, maaari silang makapagbayad ng kontribusyon gamit ang Bayad Center mobile app, Moneygment sa pamamagitan ng My.SSS, at PayMaya sa sa pamamagitan ng SSS Mobile App. Sa kabilang banda, ang miyembrong mayroong deposit account sa Security Bank ay maaaring gamiting ang online banking facility nito upang makapagbayad ng kanilang kontribusyon. Samantala, ang mga regular at household employer ay maaaring magbayad ng kontribusyon sa pamamagitan ng mga sumusunod na bank web facilities: BPI Bizlink, Security Bank Corporation DigiBanker, at UnionBank OneHUB. Maaari rin sialng magbayad ng kanilang mga obligasyon sa SSS sa pamamagitan ng eGov BancNet Online. Kabilang sa online payment facility na ito ang mga sumusunod na mga bangko: Asia United Bank, Bank of Commerce, China Bank, CTBC Bank, Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank), MUFG Bank, Philippine Bank of Communication (PBCom), Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Robinsons Bank and Standard Chartered. Kinakailangan lamang ang employers ay may kasalukuyang account sa mga bangkong ito upang magamit ang online services.
“Hinihimok namin ang publiko na sundin ang direktiba ng pamahalaan at manatili sa kanilang mga tahanan hanggang sa matapos ang quarantine period. Hindi kayo dapat na mag-alala sa deadline sa pagbabayad ng inyong mga kontribusyon dahil pinalawig na namin ito,” pagtatapos ni Ignacio.

Bahagi ng SSS assistance package ang pagpalawig ng deadline ng pagbabayad sa kontribusyon upang matulungan ang mga miyembro at employer na lubusang naapektuhan ng pandaigdigang krisis pangkalusugan na dulot ng sakit na CoVID-19.(P.R)

Exit mobile version