Isang araw lamang ang lumipas nang muling nagkaroon ng pananambang sa Bayan ng Taytay kung saan ay isa ang naitalang patay habang tatlo pa ang sugatan na ngayong araw ay sa hanay na naman ng Philippine Marines.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Provincial Information Office (PIO), nasa 10 minutong nagkasagupaan ang tropa ng MBLT-3 at grupo ng New People’s Army (NPA) pasado 3:30 PM, ngayong araw sa Sitio Ibangley, Abungan, Taytay.
“Isang tropa ng pamahalaan ang killed in action at ang mga hinihinalang NPA ay nagpulasan papalayo sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro,” ang nakasaad pa sa impormasyon buhat sa PTF-ELCAC.
Sa isang statement ay muling inamin ng Bienvenido Vallever Command (BVC)-NPA Palawan ang naganap na ambush sa bahaging norte ng Lalawigan ng Palawan.
“Inaako ng BVC Palawan ang ambush laban sa mga marines sa Taytay ngayong hapon. Bahagi ito ng aming tuloy-tuloy na pamamarusa sa mga ahente ng estado na malaon ng sumasalaula sa karapatan ng mga Palawenyo. Mga walang pakundangang nanamantala sa gitna ng pandemya ng COVID-19 at kawalang ayuda mula sa gobyerno.Naging posible ang mga pag-atakeng ito dahil sa marubdob na suporta ng masa na lubos naming pinasasalamatan. Mabuhay ang masang palawenyo,” ang bahagi ng ipinadalang statement ng tagapagsalita ng BVC na si Salvador Luminoso.
Una namang kinumpirma sa Palawan Daily News ni Taytay Mayor Romy Salvame ang nasabing palitan ng putok ng mga armadong kalalakihan at ng tropa ng Philippine Marines kani-kanina lamang.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang pagsuyod ng mga tropang marines sa pinangyarihan ng insidente at ang pagkalap ng PDN ng mga karagdagan pang impormasyon ukol sa pananambang.