Nasa tinatayang 10,300 pamilya sa Narra ang tatanggap ng tag dalawang sakong bigas bilang pangalawang ayuda na magmumula sa lokal na pamahalaang bayan.
Sa idinaos na regular session ng Sangguniang Bayan ng Narra nitong Lunes, ika-27 ng Abril, inaprubahan ng mga lokal na mambabatas ang pagbibigay ng tag dalawang sakong bigas kada pamilya bilang parte ng ikalawang bugso ng ayudang nagmula sa 20% development fund ng Municipal Development Council (MDC) at Bayanihan Grant mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) na natanggap ng munisipyo dalawang linggo na ang nakararaan.
Ayon kay Board Member at konsehal ng Narra na si Clarito “Prince” Demaala IV, pinili umano ng lokal na sangguniang na mamigay ng dalawang sakong bigas kada pamilya bilang agarang tugon sa mga kababayang nangangailangan ng tulong.
“Bigas na ang ibibigay, dalawang sako, kuridas na. ‘Yang ang rekomendasyon ng MDC. Medyo nahirapan kasi tayo noon (first wave) inabot tayo ng isang buwan para makapamigay ng P1,000 worth ng grocery,” ani ni Demaala.
Sinabi niya na ito ang pinakamadaling paraan upang makapamigay ng tulong at solusyon para sa mga kababayang nangangalam na ang sikmura dahil sa kasalukuyang nararanasang Enhance Community Quarantine (ECQ) na inaasahan namang magtatapos ngayong katapusan ng Abril.
Dagdag niya, ito ay orihinal na inirekomenda ng lokal na MDC upang maiwasan din ang pagrerepack ng libo-libong mga relief goods na gumugugol ng isa hanggang dalawang linggo bago maipamigay.
“Para mapabilis talaga. Nahirapan tayo a repacking so the MDC decided na ang ipamigay is bigas na. Inabot tayo ng one month sa repacking at disttibution noong first wave ng relief pack worth P1,000. This time, nasa estimated P3,900 isang tao, how much time na naman ang kakainin nito sa repacking at distribution kung ganoon pa din,” ani ni Demaala.
Samantala, nais ding linawin ng lokal na sanggunian na hindi lahat ng pamilya sa Narra ay makakatanggap ng dalawang sako ng bigas sapagkat prayoridad ng lokal na munisipyo na mabigyan ang mga pamilyang hindi nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD, Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa tulong ng mga barangay, ang listahan ng mga beneficiary para sa dalawang sako ng bigas ay kanilang isusumiti sa lokal na pamahalaang bayan upang ma-validate.
Sa kabuohan, nasa tinatayang P45M ang pondong inihanda ng lokal na munisipyon para sa pamimigay ng ikalawang ayuda. Higit P18M ay mangagaling sa lokal na MDC, P27M mula sa Bayanihan Grant. Ang humigit P2M namang matitira sa kabuohang pondo ay gagamitin ng munisipyo sa pagpapatayo ng Isolation Facility kaugnay pa rin sa laban kontra Covid19 sa naturang bayan.