Nakatanggap na ng P300K financial assistance bawat isa ang 11 sa 12 barangays na bumubuo sa bayan ng Cagayancillo noong Martes, Marso 22, upang matustusan pa ang kanilang tuloy-tuloy na pangangailan sa paglaban kontra COVID-19.
Kabilang sa mga nakatanggap na barangay ay ang Bantayan, Calsada, Convento, Lipot North, Lipot South, Tacas, Wahig, Magsaysay, Nusa, Santa Cruz, at Talaga. Ang Barangay Mampio, samantala, ay nasa proseso pa ng paglakad ng kanilang mga dokumento.
Ang nasabing tulong-pinansyal ay inilaan sa bawat barangay sa probinsiya ng Palawan na naapektuhan ng pandemyang COVID-19.
Ito ay bunga ng resolusyon na ipinasa ni Palawan Liga Federation President Board Member Ferdinand Zaballa na naglalayon na matulongan ang bawat 367 barangays sa Palawan upang masustentuhan nila ang kanilang patuloy na pangangailangan upang labanan ang sakit na COVID-19.
Ang nabanggit na resolusyon ay ipinasa ni Zaballa noong Enero at inaprubahan kamakailan ni Governor Jose Chaves Alvarez.
Ayon kay Zaballa, bagaman sa ngayon ay medyo bumaba na ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lalawigan ay mas mainam pa rin na patuloy ang pag-iingat at mga programang ipinatutupad ng mga barangay upang makasigurong ligtas ang bawat ka-barangay sa nasabing sakit.
“If you’re going to look sa statistics, bumaba na ang mga kaso but for me, in my opinion, dapat we’re always ready. Hindi ‘yung magri-ready lang tayo when we’re already in a worse situation. Kaya dapat tuloy-tuloy ang mga activities and programs ng bawat barangay kontra COVID-19,” ani Zaballa.
“Nagpapasalamat tayo unang-una sa ating Gobernador JCA sa kanyang walang-humpay na suporta sa ating Palawan Liga Office, malaking-tulong ito sa ating mga ka-barangay,” ani Zaballa.
Samantala, ipinaalam namin ng opisina ng Liga ng mga Barangay sa Palawan sa mga barangay na hindi pa nakakakuha ng kanilang P300K tulong-pinansyal na makipag-ugnayan lamang sa kanilang opisina.