14 empleyado ng PMRB Narra, suspendido dahil sa umano’y pangongotong

PDN Stock Photo

Pinatawan ng 30-day preventive suspension ang labing-apat na empleyado ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) Narra dahil sa umano’y pangongotong ng mga ito sa mga lokal na gravel and sand supplier sa naturang bayan.

 

 

Ito ay matapos makarating sa opisina ng Provincial Information Office (PIO) ang sumbong ng tatlong mga contractor.

 

Ayon sa source ng Palawan Daily na humiling na huwag nang pangalanan, nagsilbing pruweba sa pangongotong ng mga empleyado ng PMRB ang palitan ng mensahe ng mga ito sa ilang negosyante kung saan humihingi umano sila ng salapi sa mga truck na may kargang buhangin at dumadaan sa PMRB checkpoint.

 

“Ang ginagawa nila pag dadaan ang truck ng mga hauler, hihingi ng lagay sa checkpoint. Walang palya ‘yan,” ayon sa source.

 

Dagdag niya, pinasok na rin umano ng mga empleyado ng PMRB ang pangongontrata sa graba at buhangin bagaman walang permit ang mga ito.

 

“Kaya na-alarm na din ‘yung ibang legit na hauler. Kasi sila sila na lang mismo ang gumagawa ng pera, ‘yung iba sa kanila may sariling truck kumukuha ng kontrata, bumabiyahe kahit walang permit mag-haul,” ani ng source.

 

 

Ayon kay PIO Atty. CJ Cojamco, kabilang sa pinatawan ng suspensiyon ang isang team leader at labing tatlo nitong staff ng PMRB Narra.

 

Ipinatawag na sa kapitolyo ng Palawan ang labing-apat na kawani ng PMRB. Kasabay nito ay nag-umpisa na ring magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad.

Exit mobile version