Inanunsyo kahapon, Abril 10, 2021, ng Culion Sanitarium General Hospital (CSGH) na kasalukuyang naka-isolate ang 2 empleyado nito matapos magpakita ng sintomas at magpositibo sa COVID-19.
“Ngayong araw, Abril 10, 2021, sa di inaasahang pangyayari, dalawa (2) sa CSGH-staff ang naging positibo (confirmed) sa COVID-19 Virus matapos magkaroon ng sintomas at ngayon ay naka-isolate na sa ospital.”
At dahil dito ay ipinagbigay alam sa mga kalapit na munisipyo nito na mga ‘extreme emergency’ lamang ang tatanggapin ng nasabing pagamutan.
“PInapaalam din sa bayan ng Culion, Coron, Busuanga at Linapacan na mga ‘extreme emergency’ lamang ang tatanggapin ng CSGH tulad ng mga kasong nangangailangang operahan, mga nangangailangan ng Caesarian Section o hirap na panganganak, mga trauma o aksidente at ‘yung mga severe o malalang kaso (critical or serious) bata man o matanda.”
Ayon pa sa kanilang social media post ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng contact tracing upang matukoy ang mga nakasalamuha ng mga nasabing empleyado at makipagtulungan kung ang isang indibidwal ay naging close contact ng mga ito.
“Napagbigay alam na sa ating Culion LGU at sa RHU ang sitwasyon at magkakaroon ng malawakang pagsasaliksik ng mga close contacts ng mga nasabing kawani. Magtutulungan ang dalawang (2) ahensya sa agarang pagtugon at pagsugpo ng paglaganap ng virus sa Culion.”
“Dahil dito ang alhat ay pinapayuhang maging mahinahon at makipagtulungan lalong lalo na sa mga taong nakasalamuha ng dalawang (2) naging positibo. Maging mapagmatyag, manatili sa loob ng bahay at sundin ang mga alituntuning pinalalabas sa mga pabatid ng ating RHU, mga Barangay at ng LGU Culion.”
Sa ngayon ay walang face-to-face Out Patient Department consultation at elective surgery.
Maaari namang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa mga numerong ito: 09201021794