Masaya na ngayong kapiling ng dalawang magkapatid na dating kasapi ng CPP-NPA ang kanilang pamilya sa Bayan ng Coron matapos silang inihatid ng Joint Task Force Peacock/3rd Marine Brigade kahapon, Dec. 23.
Sa ibinahaging impormasyon ng 3rd Marine Brigade, inihatid ang magkapatid na sina Charlene at Jimboy ng CMO Team ng Joint Task Force Peacock/3rd Marine Brigade dalawang araw bago mag-Pasko, sa pamamagitan ng sasakyang pandagat ng Philippine Navy (PC 380).
Matatandaang magkasunod na sumuko ang nasabing magkapatid matapos ang engkwentrong naganap sa Bayan ng Brooke’s Point noong ika-3 ng Setyembre ngayong taon.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng ina ng magkapatid sa patuloy na suportahang ibinibigay ng 3rd Marine Brigade at ng Palawan Task Force ELCAC sa kanilang pamilya mula ng bumaba sa kabundukan ang kaniyang dalawang anak.
Bumuhos ang luha at nagbigayan ng mahigpit na yakap ang pamilya nang muli silang magkita-kita makalipas ang dalawang taon.
“Gabi-gabi akong nananalangin na bumaba na ang mga anak ko pati ang asawa ko. Bawat Pasko, kulang ang pamilya namin kasi wala sila,” ani Nanay Rosalie.
Malugod naman ang pagtanggap ni Mayor Mario T. Reyes Jr. at kaniyang konseho sa kanilang muling pagbabalik-loob sa pamahalaan at pag-uwi sa kanilang bayan.
At upang makapagsimula ng bagong buhay kasama ng kanilang ina, nag-alok ng trabaho sa magkapatid ang Pamahalaang Bayan ng Coron.
Sa ngayon ay patuloy ang panawagan ng magkapatid sa kanilang ama na kasalukuyang nasa aktibong pagkilos pa na sumuko at magbalik-loob na sa pamahalaan.
“Dalangin ko ang Maligayang Pasko sa pamilya. Sana ay maisip na rin ng kanilang padre de pamilya at ng mga kasamahan nito sa bundok na bumaba at tanggapin ang pagbabagong buhay na inaalok ng ating pamahalaan sa bawat rebeldeng sumusuko,” saad naman ni BGen. Nestor C. Herico, commander ng Joint Task Force Peacock/3rd Marine Brigade.
Ikinasiya ni BGen. Herico na may pamilya na namang muli silang napagbuklod matapos magwatak-watak similar nang umanib CPP-NPA-NDF. Aniya, noong nakaraang taon ay sa pamilyang Gumanoy na 11 taong nawalay sa isa’t isa at ngayon sa pamilyang nakatira sa Bayan ng Coron.
“Pinapaalaala ko sa lahat ng magulang na protektahan ang kanilang mga anak mula sa panlilinlang ng komunistang grupo,” paalaala pa ni BGen. Herico sa mga mamamayan.
Samantala, tiniyak ng mga kinauukulan na sumailalim sa COVID-19 protocol ng Coron ang magkapatid at CMO Team ng 3rd Marine Brigade bago humarap sa alkalde ng bayan at sa pamilya nina Charlene at Jimboy.