5,000 mangrove propagules, itinanim sa Quezon kaugnay ng Pista ng Kalikasan

Sa kabila ng pandemya, matagumpay na naisakatuparan sa Bayan ng Quezon ang ika-27 Pista ng Kalikasan. Nakapagtanim ng nasa 5,000 propagules ng bakawan ang pamunuan ng Brgy. Isugod at Berong Nickel Corporation sa pangunguna ng Provincial Environment and Natural Resources Office (ENRO) noong ika-25 ng Hunyo 2021.

Ayon kay Provincial ENRO Head Atty. Noel Aquino, nasa dalawang ektarya ang kanilang natamnan ng mangrove propagules. Layunin nito na mas maparami pa ang bakawan sa lalawigan. Malaki kasi ang maitutulong nito sa kalikasan gaya na lamang ng pagpigil sa iba’t ibang sakuna.

“Tayo, sa parte natin sa environment department hindi tayo tumitigil sa pagpapalaganap ng awareness na kailangan natin ng bakawan. Kailangan nating tulungan ang ating kalikasan kahit na may pailan-ilan pang poaching, di tayo pwedeng pigilan na talagang tayo ay paramihin pa natin ang bakawan continuously. Unang-una, ang bakawan kasi ay buffer yan sa storm surges. Pangalawa, yong pakinabang niya sa local community doon sa environment, marami siyang pakinabang” aniya.

Kaugnay sa COVID-19 ay siniguro umano ng mga ito na sinunod nila ang mga ipinatutupad na mga health and safety protocols at limitado lamang ang mga pinayagang lumahok sa ginanap na tree planting activity.

Samantala, ang aktibidad ay isinagawa sa Sitio Balintang, Brgy. Isugod sa nasabing munisipyo. Asahan umano na sa mga susunod na linggo ay muli itong isasagawa bilang bahagi pa rin ng Pista ng Kalikasan ngayong Hunyo.

Exit mobile version