Sa pamamagitan ng social madia post ni Brooke’s Point Mayor Mary Jean Feliciano, hiniling niya sa kanyang mga nasasakupan na ipagpaliban muna ang pagtungo sa Lungsod ng Puerto Princesa bunsod ng patuloy na pagdami ng COVID-19 cases.
“….[P]ara po sa ating kabutihan at pagpapanatili ng kalusugan sa buong bayan, iwasan po muna natin ang pagluwas sa lungsod at ipagpaliban muna ang pag-ayos ng mga bagay-bagay na pwde pa namang gawin sa ibang araw o panahon,” ang pakiusap ng Alkalde sa kanilang mga mamamayan.
Ibinalita rin ni Mayor Feliciano na nakalabas na ng Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) ang dalawang residente ng Munisipyo ng Sofronio Española na kamakailan ay napaulat na kabilang sa mga nagpositibo ng COVID-19.
“At para sa kaalaman ng lahat, ang dalawang pasyente mula sa [Sofronio] Espanola na COVID-19 positive ay nakalabas na po sa SPPH at nagpapatuloy sa pagku-quarantine sa kanilang bayan,” ayon kay Mayor Feliciano.
Sa datus ng mga kinauukulan, sa kasalukuyan ay nananatiling COVID-19 free ang Bayan ng Brooke’s Point.
Ayon pa kay Mayor Feliciano, patuloy nilang idadalangin sa Poong Maykapal na manatiling hindi makapasok ang nasabing nakahahawang sakit sa kanilang lugar at tuluyan na ring gumaling ang mga nagkasakit at wala ng mahahawaan pa.