Aplikasyon para sa commercial quarry operation sa Caramay River, mariing tinututulan ng barangay

“Ang Caramay River ay kadugtong ng buhay ng mga tao, lalo na ng mga IPs at mga farmer na nando’n; kasi ‘yon lang ang pinaka-source ng aming tubig.”

Buo ang pasya ng Barangay Council at karamihan sa mga residente ng Brgy. Caramay sa Bayan ng Roxas na tutulan na ang aplikasyon ng commercial quarry opeartion sa Caramay River.

Ayon kay Kapt. Ofelia Gabo, Enero ngayong taon nang maghain ng resolusyon ang Barangay Council ng mariin nilang pagtutol sa panibagong aplikasyon ng quarry sa kanilang lugar.

“Hindi po pabor ang barangay sa quarry dahil marami po ang maaapektuhan. Erosion ng lupa, siltation. Masisira ang mga pananim, lalong-lalo na po sa gilid ng ilog. Meron po kaming Marine Protected Area (MPA), may livelihood po sa pag-gather ng lobster fingerlings. Meron din po kaming tourist destinations such as our Puntod Sandbar river cruising.”

Kahapon, Abril 13 ay isasagawa sana ang public consultation ngunit dahil sa pag-iingat laban sa COVID-19 ay ni-reschedule ito ng mga kinauukulan.

“At higit po sa lahat, during tag-init, wala na pong tubig na lumalabas sa gripo kaya ang ilog lang po ang pangunahing pinagkukunan ng inumin namin; doon din po kami umiigib at naglalaba,” giit pa ng punong barangay.

Sa ilalim ng bagong pamunuan ng barangay, lubos ang tuwa ng mga residenteng hindi pabor na galawin na naman ang kanilang ilog dahil ayaw na umano nilang maulit muli ang pasakit na kanilang dinanas sa nagdaang mga dekada.

Maging si Barangay Kagawad Nelson Abrea ay laki ang pasasalamat dahil karamihan sa kanyang mga kasamahan na sinuportahan siya sa naising hadlangan ang anumang quarry operation sa Caramay.

Aniya, handa siyang labanan ang mga taong nasa likod nito kahit pa umano kapalit ang kanyang buhay at naging mahigpit ang kanyang paalaala sa mga kapwa niya lingkod-bayan na handa niyang isumbong ang sinuman sa Ombudsman oras kung malalamang sangkot sa katiwalian para lamang lumusot ang commercial quarry operation.

“Sa quarry operation, may endorsement na kami—disallowing commercial quarry sa Caramay kasi ang basehan namin, ayon din sa kagustuhan ng mga tao—ayaw na nilang maulit ‘yong nangyari noon. Batid ng lahat kung ano ang nangyari,” aniya.

Ibinahagi rin niyang maging si dating Pangulong Gloria Arroyo ay nakita rin noon ang sitwasyon ng kanilang barangay.

“Kabilang ang Roxas, kabilang ‘yong Caramay na pinaka-risk na river pagdating sa flood. Nakatala ‘yan,” ani Kgd. Abrea.

“Ang inaayawan namin [kasi], sometime in 2005, ang nangyari, halos ubos talaga ang farming namin—lahat ng pananim sa Caramay River, halos naubos pati…ang kahit ‘yung concrete bridge ng national [government] na hanging pa, lahat ng pananim, kinaya ng flood pababa, lahat naubos nito. ‘Yong mga fisherfolk, mga pumpboat nila, pati mga lambat, natangay lahat. Pati ‘yong mga barangay road namin dito sa poblacion, na-dislocate dahil diyan (quarry operation),” aniya.

Ipinaalala rin niya sa kanyang mga kapwa lingkod-bayan sa Caramay namay mandato silang pangalagaan ang kanilang mga kababayan at ang kabuhayan.

“Kaya nga lang, ‘yong pinopondohan ng mga quarry applicant, ‘yong barangay official na sanay sa abot-abot. ‘Yan ang ikinagagalit ko ng sobra. Since 1990’s barangay official ako, tutol ako, ‘yan ang aking stand dahil ayaw kong masira ang kabuhayan namin,” ani Abrea.

 

KUNWARING PUBLIC CONSULTATION?

“Kasi naggawa-gawa na naman sila (quarry applicant) ng kunyari public consultation pero nabuking din sila, kasi ang ginawa nila, private house doon sila [sa bahay ng] proponent. Lahat sila proponent,” aniya at iginiit na maling-mali iyon sapagkat dapat naroon ang magkabilang-panig.

 

HANDANG IALAY ANG BUHAY

“Ang sabi ko , total mamamatay na rin ako, ako 71 years old na, pag ito mangyari pa, hindi ako magdadalawang-isip na ipaaabot ko ito sa mas nakatataas sa atin. Sa [ibang] mga barangay officials, nag-warning ako sa kanila, ‘Mabuti’ sabi ko, ‘Ngayon nagkaisa nito pero kung mayroon pang mag-e-endorse nito sa barangay,’ halimbawa makuha sila ng kabila], ‘hindi ako magdadalawang-isip, ipapa-Ombudsman ko kayong lahat! Kahit ano [pa] ang mangyari,”

Mayroon na umano silang petisyon na pirmado ng mahigit 100 katao mula sa mga directly affected na purok ng Brgy. Caramay gaya ng sa Bunatan, Masigla (Poblacion), Ilang-ilang, Pag-asa, Mangingisda, at Interior.

Nasira na umano ang kanilang ilog simula nang magsemento sa kalsada ng north national highway.

“Lahat kami [tutol ng quarry], isa lang ang [pumabor mula pa sa] Committee on Environment pa. ‘Yon din ang nagpabili noon ng Caramay. Kaya sinabihan ko siya ‘Uulitin mo naman?!” aniya na naulinigan umano niyang may pulitikong nasa likod nito.

Kwento naman ng manager ng Caramay Coffee Planters Cooperative na si Letecia Monterola, 1999 pa ang problema nila sa quarry sa Caramay River.

“Ang kasi ng aming river, parang 90 degrees. Hukayin mo ito sa baba, mga dalawang araw lang ang makalipas, wala ka nang makikitang hukay kasi mabilis ang agos ng tubig, mabilis ding bumaba ang mga aggregates pababa kaya nga parang sinasabi ng mga nag-a-apply ng quarry na wala naman silang nakikitang hukay doon pero kung titingna nila doon sa taas, unti-unti kasing bumababa, ‘yong ilalim kasi ng aming mga lupa na ‘yan, ‘yan ay graba siyempre, kapag nag-loose na ‘yong , kapag tanggalin mo ‘yong mga pader ng ilog, maglo-loose talaga ‘yan,”

Kinuwento rin niyang noong hindi pa nagagalaw ang ilog noon, ilang hakbang lamang ay ay makatatawid na sa kabilang ibayo ngunit sa ngayon umano ay hindi na sapagkat ang ibang parte ay nasa 20 metro na ang agwat.

 

PAGTUTOL

“Ang buod nito ay destruction talaga ‘yan. Ang Caramay River ay kadugtong ng buhay ng mga tao, lalo na ng mga IPs at mga farmer na nando’n kasi ‘yon lang pinaka-source ng aming tubig. At ‘yong mga IPs, dependent sila ng hanap-buhay sa ilog,” ani Monterola.

Ang concern pa umano ng dalawang guro roon ay baka matulad ito sa Tanabag at Maoyon sa Lungsod ng Puerto Princesa  na lumalalim ang tubig dahil may hukay na sa baba at mabilis na ang agos ng ilog natatakot sila na mauubos ang tubig sa itaas sa huli.

“Yong isang isang katutubo, sabi niya ‘Hindi talaga kami pumapayag sa quarry operation dahil sa gold panning pa lang sira na,”

 

LAWAK NG INA-APPLY-AN

“Yan ay bubutasin nila—kukunin nila ang lahat na aggregate. Siyempre, after six months, a-apply-an nila uli. ‘Yon sa one-hectare lang, how much ‘yong 4.5 hectares?!” aniya.

Ang kinakatakot lamang umano nila ay ang banta ng pagguho ng lupa kung gagalawin muli ang ilog ng Caramay kaya gayon na lamang ang kanilang pagtutol.

“Karapatan mo na mabuhay. So, kailangan mo na protektahan ang kabuhayan din. Paano ka mabubuhay kung wala ka nang kabuhayan,” aniya.

Nakikiusap din ang One-Palawan Youth Leader ng Bayan ng Roxas na si Mar Granflor Jr. sa mga kapwa niya kabataan at sa lahat ng mga mamamayan na tutulan ang napipintong pagkasirang muli ng mahalagang ilog ng Brgy. Caramay.

Samantala, sa ngayon ay nakipag-ugnayan na rin sila sa ELAC na dati na ring tumulong sa kanila upang mapahinto ang illegal quarry operation sa Caramay River.

Exit mobile version