24 oras na ang daloy ng kuryente sa isla barangay ng Bancalaan sa bayan ng Balabac matapos dumating ngayong araw ng Huwebes, Marso 3, ang karagdagang tatlong generator set mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa pakikiisa ng National Power Corporation (NAPOCOR) at Balabac LGU.
Ayon kay 2nd district Board Member Ryan Maminta, inaasahang sa mga susunod na araw ay tuloy-tuloy na ang operasyon ng kuryente sa nabanggit na isla. Ang nasabing mambabatas ay siya ring nanguna upang makapagpasa ng ordinansa para magkaroon ng mga karagdagang generator set ang naturang barangay.
Dagdag niya, taong 2013-2016 nang siya ay magawi sa naturang lugar kung saan napansin niya ang problema sa kuryente ng mga residente ng nasabing barangay.
Ayon kay Maminta, iisa lamang ang generator set na mayroon sa isla noon kaya’t masuwerte na umano kung magkakaroon ng kahit talong oras na kuryente kada araw.
“Naalala ko pa dati noong 2013 hanggang 2016, palagian akong bisita sa lugar, pribado ang generator, maswerte na ang 3 oras na may kuryente. Madilim talaga,” ani Maminta.
Anya, ang dating nag-iisang generator set ay apat na sa ngayon at inaasahang magiging sapat na ito upang maghatid ng liwanag sa buong isla at maghatid ng ginhawa sa tinatayang 14,000 na residente ng isla.
Ang proyekto ay naiskatapuran sa pinagsamang pagsisikap ng mga opisyales ng pamahaalan at sangguniang panlalawigan.