Hindi na kukulangin ang mga residente ng Barangay Pandanan at Mangsee sa bayan ng Balabac ng supply ng malinis na tubig matapos bigyan ng Palawan Water ang mga ito ng sarili nilang planta ng patubig kamakailan lamang.
Ayon sa impormasyon galing sa pamunuan ng Palawan Water, katulong ang Balabac LGU at Palawan Provincial Government sa pamumuno ni Governor Jose Chavez Alvarez, matagumpay na nalagyan na ng sariling planta ang mga nabanggit na barangay upang hindi na mamroblema pa ang mga residente sa kulang na source at supply ng tubig sa kanilang lugar.
“Pormal na sinimulan ang pagpapagana sa mga planta ng patubig sa Barangay Pandanan at Mangsee sa bayan ng Balabac noong Enero 13-15 taong kasalukuyan. Ang prosesong ito ay tinatawag na Reverse Osmosis Desalination kung saan ang tubig alat ay ginagawang tubig tabang upang maging inuming tubig,” ayon sa Palawan Water.
Ayon rin sa ulat ng Palawan Provincial Information Office (PIO), ang inisyal na proyekto para sa dalawang nabanggit na barangay ay pinondohan ng gobyernong panlalawigan ng P20 milyon upang matugunan na ang suliranin sa tubig ng mga residente ng mga nabanggit na lugar.
Samantala, dagdag ng PIO, sinimulan na rin ang proseso ng pagpapatayo ng Level 2 Water System sa nasabing bayan na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng P15.1 milyon noon pang Disyembre, taong 2020.
Tinatayang nasa 1,764 na kabahayan sa Barangay Mangsee ang inaasahang makikinabang sa nabanggit na mga proyekto.
Ayon sa PIO, Hunyo noong taong 2020 sinimulan ang nasabing proyektong pagpapatubig at nagsimulang magserbisyo kamakailan lamang.
Dahil umano sa layo at hindi masabing lagay ng panahon ay bahagyang natagalan ang nasabing proyekto ng Palawan Water at Palawan Provincial Government.
Ang Mangsee at Pandanan ay parehong mga “island barangay” na nasa bayan ng Balabac, pinakahuling munisipyo sa bahaging Sur ng lalawigan ng Palawan.
Sa tulong ng proyekto, ngayon ay inaasahang hindi na magta-tiyagang gumamit pa ng mga balon ang mga residente ng dalawang barangay.