Nakatakdang isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula bukas, May 26, 2021 hanggang June 9, 2021 ang bayan ng Brooke’s Point sa bisa ng Executive Order No. 15, Series of 2021.
Kasabay nito ay ang pagpapatupad ng mga alituntunin sa ilalim ng GCQ na inilabas ng National Inter-Angency Task Force (IATF) noong April 3, 2021.
Narito ang ilan sa mga guidelines na dapat sundin:
- Pagsunod sa minimum public health standards.
- Ang paglabas ng tahanan ay hindi pinapayagan maliban na lamang kung ito ay “essential” at kung sila ay mga empleyado ng mga establisyimentong pinayagang magbukas habang GCQ.
- Ang mga nagi-edad 18 pababa at 65 pataas maging ang mga buntis, mahihina ang immune system at mga may malalang sakit ay dapat manatili sa loob ng bahay lamang.
- Lahat ng aktibidad, trabaho, establisyimento at indibidwal na pinapayagan kapag naka-Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay pinapayagang mag-operate sa full on-site capacity.
- Ang mga aktibidad, trabaho, establisyimento at indibidwal na hindi pinapayagang mag-operate kapag ECQ ay pinapayagan sa 50%-100% on-site capacity sa ilalim ng GCQ sa kooperasyon na rin ng Department of Trade and Industry (DTI).
- Ang religious gathering ay pinapayagan sa 30% venue capacity nito at maaaring itaas sa 50% depende sa magiging desisyon ng Local Government Unit (LGU). Ipinagbabawal naman ang iba pang gatherings gaya ng birthday party.
Samantala, hindi naman pinapayagang magbukas ang mga entertainment venues tulad ng bars, clubs, cinemas, karaoke bars, theaters at concert halls. Maging ang mga internet cafe, arcades, mga amusement park, playgrounds, casinos, cockfighting, outdoor sports at iba pang kahalintulad ng mga ito ay hindi papayagang magoperate sa ilalim ng GCQ.