Natunton at nahukay kamakailan ng mga kawani ng Philippine Marines na nakabase sa norte ng Palawan ang mga itinagong kagamitan umano ng mga makakaliwang-grupo sa bulubunduking bahagi ng Sitio Candelaria, Brgy. Tagumpay, Roxas, Palawan.
Sa ibinahaging impormasyon ng Marine Battalion Landing Team 3 (MBLT-3) na nakabase sa Brgy. Minara, Roxas, kahapon, Dec. 4, nang matunton at malikom ng tropa ang dalawang 4-liter plastic containers na puno ng may kabuuang 1,210 piraso ng 5.56mm ammunition at isang 30-liter plastic container na naglalaman naman ng tinatayang 40 kilong bigas.
Ayon sa militar, ito ay bunga ng patuloy na pagpapatupad ng security operations sa northern Palawan sa pangunguna ng MBLT-3, katuwang ang iba pang AFP units na bumubuo ng Joint Task Group (JTG)-North, at sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa mga barangay ng Abaroan, Tagumpay at Magara, sa munisipyo ng Roxas.
Matatandaan na kamakailan lamang, ang 3rd Marine Brigade, sa pamamagitan ng MBLT-3 at MBLT-4, ay naglunsad ng Community Support Program (CSP) sa mga nabanggit na barangay. Iyon umano ay nagkaroon ng positibong resulta matapos na magbalik-loob sa pamahalaan ng ilang mamamayan na dati umanong naimpluwensyahan, na-organisa at napabilang sa baseng masa ng mga CTG.
“Ang kanilang pakikipagtulungan sa ating kasundaluhan na nagbunga sa pagkakatunton ng mga kagamitang pandigma ng CTG ay patunay sa kanilang pagbawi na ng suporta mula sa teroristang komunistang grupo at taos-pusong pagbabalik-loob sa ating pamahalaan,” ang bahagi pang impormasyon ng MBLT-3.
Sa kasalukuyan, patuloy na nananawagan ang pamunuan ng 3rd Marine Brigade (3MBde) sa mga kasapi ng CPP-NPA “na iwan na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob na sa pamahalaan tungo sa pagbabagong-buhay lalo pa at paparating na ang panahon ng Kapaskuhan.”