BJMP Puerto Princesa, kauna-unahang bilangguang ligtas sa droga

Maigting ang kampanya ng pamunuan ng Puerto Princesa City Jail, sa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kontra sa iligal na droga. Ipinaiiral ng pamunuan ang kanilang adbokasiya sa mga bilanggo at sa mga tauhan ng pasilidad. (Larawan ni JCInsp. Lino Soriano/BJMP-Puerto Princesa)

Ginawaran ng parangal ang Puerto Princesa City Jail (PPCJ) bilang kauna-unahang “drug-free at drug-cleared” na bilangguan sa buong Pilipinas.

Ito ay matapos na makumpleto ng PPCJ ang apat na mga pamantayan na isina-alang-alang ng Oversight Committee sa Jail Drug Clearing Operation para sa pagdedeklara dito bilang ligtas at malinis na pasilidad pagdating sa iligal na droga.

Ang mga pinagbatayang parameter na nakasaad sa ‘Implementing Rules and Regulations’ (IRR) ay ang kawalan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) o mismong mga ‘persons deprived of liberty’ (mga bilanggo) na nasa loob ng pasilidad ang kabilang sa listahan ng mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot; kawalan ng mga gumagamit ng droga na napatunayan sa pamamagitan ng resulta ng mga pagsusuri kung saan, 100 porsiyento ng mga opisyal na isinailalim dito, maging ang 20 porsiyento ng kabuoang populasyon ng mga bilanggo ay nag-negatibo.

“Nangangahulugan na habang nakakulong ang ating mga PDL, ang kanilang kaso man po ay may kinalaman sa droga, hindi po sila nasangkot sa ipinagbabawal na gamot habang sila ay nasa loob ng ating pasilidad, gayon din po ang mga personnel ng PPCJ,” tinuran ni Jail Officer 2 Marlito Anza, tagapagsalita ng BJMP-PPC sa Philippine Information Agency (PIA).

Bukod sa mga nabanggit, wala ring nasamsam na anumang kagamitan at iba pang substansiya sa tatlong magkakasunod na operasyon ng paghahanap at paghahalughog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pasilidad ng bilagguan.

Nakadagdag din sa puntos ang tuloy-tuloy pagsasagawa ng kampanya at pagtataguyod ng adbokasiya ng pamunuan ng PPCJ hinggil sa ‘drug-free workplace’.

“Sa pakikipagtulungan po ng PDEA at iba pa nating mga kaagapay na ahensiya ng pamahalaan, consistent ang ating kampanya at pagsasagawa ng mga symposium on drug-free workplace sa loob ng ating pasilidad,” dagdag pa ni Anza.

Sinabi pa ni Anza, na upang mapanatili ang pagiging ligtas at malinis ng pasilidad sa ipinagbabawal na gamot, makatutulong sa pamunuan ng PPCJ kung maipapasa na sa Sangguniang Panlungsod ang kanilang naging kahilingan noon na magkaroon ng ordinansa upang mapatawan ng parusa o multa ang sino mang dalaw na mahuhulihan ng mga kontrabando na maaaring maging daan upang magkaroon ng pakikipagtransaksyon ang mga bilanggo sa kanilang dating gawain sa labas.

“Kung maisasakatuparan po sana ito ng ating mga lokal na mambabatas sa lungsod, malaki po ang maitutulong ng ating kahilingan bilang prevention sa pagpasok ng transaksyon ng illegal drugs dito sa ating pasilidad, sa gano’n mapapanatili po natin ang pagiging drug-free at malinis, ” ani pa ng opisyal.

Samantala, ang natanggap na katibayan bilang ‘drug-free jail facility’ ay iginawad sa pamamagitan ni Jail Chief Inspector Lino Soriano, warden ng PPCJ noong ika-20 ng Setyembre sa Calapan City, Oriental Mindoro. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Exit mobile version