Magtatapos na ngayong araw ang lockdown sa Brgy. Tumarbong sa Bayan ng Roxas, alinsunod sa napagkayarian ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF).
Ito ang kinumpirma ni Dr. Leo Salvino, municipal health officer at incident post commander ng LGU Roxas sa panayam ng Palawan Daily News.
Ani Dr. Salvino, ngayong araw ang ika-15 day lockdown ng Tumarbong mula noong Agosto 13 sanhi ng pagpositibo ng isang LSI sa COVID-19 nang makarating ng Kamaynilaan.
Aniya, maaari nang alisin ang lockdown dahil walang sinuman sa barangay ang nagpositibo sa nakahahawang sakit, base sa resulta ng RT-PCR mula sa ONP.
“Wala na [kaming hinihintay na iba pang resulta ng swab test] kasi na-monitor na namin, walang [nagkaroon] ng symptoms, at saka nagtapos na rin ‘yong 14 days nila na quarantine,” dagdag pa niya.
Aniya, umabot sa 80 katao ang kanilang nalista nang isinagawa ang contact tracing. Sampu (10) aniya sa mga ito ang na-swab, 50 ang mga na-rapid test habang ang iba ay na-validate na wala namang close contact sa naturang LSI na lalaki. Matatandaang umalis ng Palawan ang nasabing indibidwal noong Agosto 3, nakunan ng swab test noong Agosto 5 at lumabas naman ang resulta na positibo siya sa COVID-19 noong Agosto 7.
“Yong ginawa namin sa Tumarbong, that is preemptive anticipation in case na may community exposure. Sa awa ng Diyos, wala naman. Sana doon na lang niya nakuha sa Maynila [ang sakit] kahit [parang imposible] na wala pang two days, nag-develop [at] nag-positive [siya],” dagdag pa ni Dr. Salvino.
Ngunit magkagayunpaman, ipinaliwanag ni MHO Salvino na huwag magkampante ang lahat bagkus sundin pa rin ng lahat ng MGCQ protocol.
“Pag walang kailangan sa labas, huwag lumabas; mga vulnerable, sa loob lang ng bahay, naka-facemask, naka-faceshiled kung kailangan, [at may] physical distancing. Kapag na-maintain ang pagsunod sa guidelines, hindi tayo mangangamba, kahit, ‘wag naman, na makipag-interact ka, makihalubilo ka na bawal naman talaga ang socialization [ngayon],” aniya.
Aminado naman ang incident post commander ng Bayan ng Roxas na palaisipan pa rin sa kanila kung paano nahawaan ng COVID-19 ang nasabing LSI.
“Ito ang scenario—na doon na-develop sa community; another scenario, doon niya nakuha sa Maynila pero that extreme, too short, less than two days [lang kasi ang pagitan nang makunan siya ng specimen]….kasi unang-una, hindi siya full-blown na case kasi nakipag-basketball, nakipag-inuman pa [siya rito sa Tumarbong], ibig sabihin, he’s feeling well, he’s good,” aniya.
“Itong characteristic ng COVID-19, ang clinical course nito, pati ‘yong manifestation, unpredictable kasi bago nga itong virus. Hindi pa [talaga] establish na establish—kasi ‘ yong case sa Tumarbong, kung titingnan natin, tatlong test ang negative no’n—isang swab, dalawang rapid tests. Tapos it took five weeks [bago siya nagpositibo sa COVID-19],”paliwanag pa niya,
Samantala, habang sinusulat naman ang balitang ay nananatiling 10 ang confirmed COVID-19 cases sa Bayan ng Roxas na sa kabutihang-palad ay isa na lang ang active case at 11 ang suspect cases.