Ang Munisipyo ng Brooke’s Point ay handa na umano maging kapitolyo ng Palawan del Sur kapag naisakatuparan na ang pagtatatag ng tatlong (3) probinsya sa Lalawigan ng Palawan ayon kay Mayor Mary Jean Delos Angeles Feliciano.
“Handang-handa na po kami, matagal nang mayroong nakareserbang lupa doon sa Barangay Maasin para sa pagtatayuan ng kapitolyo ng Palawan del Sur. At ang mga mamamayan naman ng brookes point ay talagang excited na maging sentro ng pamahalaan ng isang bagong probinsya…,”ani Feliciano.
Binanggit din ng Alkalde na matagal nang napagdesisyunan na ang kanilang bayan ang magiging kapitolyo ng Palawan del Sur dahil bago napag-usapan ang pagtatalaga ng tatlong Probinsya ng Palawan ay sentro na ng kalakalan ang bayan ng Brooke’s Point sa bahaging sur.
“…dahil strategic ang location namin [kasi] nasa gitna kami ng mga katabing munisipyo [kaya] maganda yung location…Brooke’s Point na po talaga ang napili noon pa man… at even before, Brooke’s Point naman talaga yung sentro [ng sur ng Palawan]. Itong naaprubahan [na] sa Sangguniang Panlalawigan at, yung aming ngang resolution, na kung saan sinosoportahan din kami ng mga karatig munisipyo na Brooke’s Point ang gusto nilang maging kapitolyo. At ngayon ay naging batas na at pirmado na ng ating President, wala nang issue kung sino ba [ang dapat maging sentro ng Palawan del Sur]. Hindi na maaagaw ito sa amin,” Pahayag ni Mayor Feliciano.
Aniya mabagal ang pag-unlad ng mga munisipyo dahil iisa lamang ang Probinsya ng Palawan ngunit kapag ito ay naitatag sa tatlo ay bibilis at mas magiging madali para sa mga naglilingkod sa bayan magbigay ng serbisyo sa kanilang mga nasasakupan. Giit din nito ay maraming positibo ang maidudulot ng pagkakaroon ng 3 lalawigan.
“…matagal na po tayong One Palawan pero ang tagal ng pag-unlad [ng ating probinsya]…mas mapapabilis ang pag-unlad [at]…mas magiging madali para sa amin na maibigay ang mga serbisyo [kapag naitatag ang 3 Probinsya sa Palawan] kasi ilang barangay na lamang yung aming pagtutuunang pansin…Wala pong disadvantage yun [pagkakaroon ng 3 lalawiga]. Lahat po ay advantages[at] lahat po ay para sa kabutihan at kapakanan ng mga Palaweño,” dagdag na pahayag nito.