CHR-MIMAROPA, naglabas ng advisory para sa COMELEC, PNP, Prov’l Gov’t

Nagpalabas ng policy advisory ang Commission on Human Rights (CHR)-MIMAROPA para sa COMELEC, Philippine National Police (PNP) Palawan at Provincial Government ng Palawan kaugnay sa pagsasagawa ng plebesito sa Lalawigan ng probinsiya.

Sa pamamagitan ng ibinahaging advisory CHR IV-B-2020-001 ng panrehiyong tanggapan ng CHR sa Palawan Daily News (PDN),  pinaalalahanan ng Komisyon ang tatlong ahensiya sa mga dapat gawin kaugnay sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya.

Ang nasabing advisory ay inilabas noong June 29, 2020 at pirmado ni CHR-MIMAROPA Regional Director Dennis Mosquera at naipaabot na rin sa tanggapan ng Gobernador, Comelec, PNP Provincial Command at sa lahat ng municipal police office sa pamamagitan ng email.

Matatandaang matapos maisabatas ang RA 11295 noong Abril 5, 2019, itinakda ang plebesito para sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya noong Mayo 11, 2020 pero dahil sa COVID-19 pandemic ay ipinagpaliban muna ng Comelec ang preparatory activities sa pamamagitan ng ibinabang Memorandum COVID-19-3 at hiwalay pang memorandum noong Abril 7, 2020 na nagsususpende naman sa pagsasagawa ng plebesito.

Ipinaalaala ng “Komisyon sa Karapatang Pantao” o CHR ang karapatan ng mga mamamayan na makilahok sa nasabing aktibidad dahil karapatan nilang makibahagi sa bagay na may kaugnayan sa pamahalaan alinsunod sa nakasaad sa Section 1, Article II ng 1987 Constitution na nagsasabing nasa mga mamamayan ang  pinakamataas na awtoridad.

Dahil nasa mga mamamayan ang sovereign power,  ay may karapatan aniya ang mga tao na isakatuparan ang checking mechanism laban sa kapangyarihan ng Kongreso para matiyak na naisasakatuparan pa rin ang nakabubuti sa mas nakararami.

Ang pakikilahok din umano ng sambayan sa mga nangyayari sa gobyerno ay kinikilala sa buong mundo na nakasaad sa mga batas at conventions gaya ng Universal declaration on Human Rights at International Convention on Civil and Political Rights.

Nakasaad din sa Section 1, Article V ng Saligang Batas ng Pilipinas na lahat ng mga mamamayan ng bansa ay maaaring makilahok sa halalan basta’t hindi nadiskwalipika ng batas, nasa 18 taong gulang, nakatira sa bansa sa loob ng isang taon at sa lugar kung saan gusto niyang bomoto sa loob ng anim na buwan bago ang eleksyon. Hindi dito batayan ang antas ng edukasyon, mga ari-arian, o iba pang substantive requirement bago makalahok sa electoral process na gaya ng plebesito.

KARAPATANG MAKAALAM NG PUBLIKO

Binigyang-diin din ng CHR-MIMAROPA na mahalagang maipabatid sa mga mamamayan ang mga ikabubuti at ang mga makasasama, sakalimang tuluyang mahati ang Palawan sa tatlong probinsiya.

“A well-informed electorate will corollary bring about a true and genuine plebiscite: plebiscite that reflects the political will of the electorate. Since the impending plebiscite will greatly affect the life of the inhabitants of Palawan, their right to be informed is indispensable. Information as to the advantage and disadvantage of the proposed division of the province must be disseminated. Thus, to attain this goal, the Commission believes in the necessity of a meaningful voter’s education,” ang nakasaad pa sa advisory.

Sa rekomendasyon ng Komisyon, kailangan umanong maipaalam ng 23 concerned local government units ang lahat ng mga direktang apektado nilang mga residente at ang mga kwalipikadong botante sa lalawigan na makilahok sa plebesito at igarantiya sa kanilang maiingatan ang kanilang mga pagkakakilanlan.

Dagdag pa ng ahensiya, napakahalaga ring maisagawa ang intensibong public dissemination ng mga impormasyon, at dapat accessible din ang mga ito sa lahat ng mga miyembro ng lipunan, anuman ang kanilang  lenggwahe o lebel ng edukasyon.

“As such voter education materials should be multimedia and multilingual, and culturally appropriate for various social groups in order that no inhabitants of Palawan may be left out wandering,” ayon pa sa CHR.

MENSAHE PARA SA COMELEC, PNP

Mensahe naman ng Komisyon sa Comelec, partikular sa Provincial Election Supervisor, na bilang official  poll body ng pamahalaan ay sigurihin nilang maipatutupad ang lahat ng batas may kaugnayan sa eleksyon, at ang mga rules and regulations sa darating na plebesito.

Sa pulisya naman, tagubilin ng CHR-MIMAROPA na tiyakin ding makamit ng mga mamamayan ang kalayaan na malayo mula sa takot at pagbabanta, at kailangang gawin ng law enforcement agency ang kanilang trabaho para makamit ang mapayapa at matapat na botohan.

“Because, to be truly free and fair consistent with international standards, the plebiscite must be conducted in an atmosphere which is respectful and basic human rights,” ayon pa sa tanggapan.

Exit mobile version