NAKAHAIN ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang isang panukalang resolusyon na layong ideklarang Kite Surfing Capital ang Cuyo Islands sa hilagang bahagi ng probinsiya ng Palawan.
“Now, we feel the ‘Amihan’—‘yan po ang kasagsagan ng kalakasan ng hangin sa Cuyo….I still remember, 12 years ago when I was there, only five tourists and a couple of local Cuyunons were in Capusan Beach and through the word of mouth, dumami [na] po sila [ngayon],” ang bahagi ng sponsorship speech ni Board Member David Francis “Bon” Ponce de Leon sa kanilang ika-18 regular na sesyon noong ika-29 ng Oktubre.
Aniya, pagsapit ng Amihan at Habagat, mayroong mga spot sa nasabing mga munisipyo na akmang-akma para sa Kite surfing, isang action sports na kung saan ay pinagsasama ang surfing, wakeboarding at iba pang action sports, gamit ang hangin.
“Gusto ko lang sabihin sa inyo, last year, mayroon pong association ng mga international kite surfers, kite boarders na pumunta sa Cuyo from Boracay and then nakita nila ang ganda. At kabilang daw sa mga magagandang sites ay sa Cuyo at Magsaysay. So, they’ve promised to bring their friends and colleagues sa Cuyo this year,” ayon pa sa bokal.
Nilinaw naman niyang sa titulo ay hindi niya inilagay na ‘Munisipyo ng Cuyo’ dahil ang Cuyo Islands ay mayroong alawang munisipyo, ang Cuyo at Magsaysay. Dati namang may iisang bayan lamang doon noong hindi pa nahahati ang Bayan ng Cuyo sa Cuyo at Magsaysay.
Ibig mang agad na maaprubahan ngunit iminungkahi ng may-akda na ipadala muna sa Committee on Tourism ang kanyang panukalang hakbang upang mapag-usapan ng kanilang mga kasamahan at maimbitahan din si Provincial Tourism Officer Mabel Buni nang malaman ang mga hakbang kaugnay dito.
Sa talakayan ay nagbigay naman ng reaksyon si Board Member Cherry Pie Acosta. Aniya, bagamat mainam ang nasabing proposed measure at lubos niyang sinusuportahan sapagkat pagkakataon ito upang maipakita ng Cuyo ang kanilang magagandang tanawin at kakayanan, ngunit ang concern lamang umano niya ay kung gaano kahanda ang naturang mga munisipyo at kung may manipestasyon ba mula mismo sa kanila.
“By becoming the Surfing Capital of the province, Cuyo [Islands] is about to embrace opportunity for economic advancement at ito po ay karagdagang responsibility on the part of LGU’s na kailangang tingnan nila ‘yung sustainability for such progress ng nasabing declaration,” dagdag pa ni Acosta.
Binanggit din niyang kung magandang area para sa surfing ang pag-uusapan ay mayroon din sila sa Brgy. New Agutaya sa kanilang bayan ng San Vicente kung saan may malalaki at malalakas na alon kaya akma rin para sa nasabing titulo.
“Kapag malaman ito ng mga local at foreign tourists natin, dadagsain po ‘yan kagaya ng Long Beach namin. So, Kailangan nating maging handa, makipagtulungan po tayo upang sa gayun ay malaman natin if right time na ba na i-declare nating surfing capital ang Cuyo. Kasi I appeal din, ‘yung San Vicente is a good site din po iyon for surfing,” walang paligoy-ligoy pang komento ni Acosta.
Nilinaw naman ng awtor na si BM Ponce de Leon na ang kite surfing ay iba sa surfing. Aniya, walang malalaking alon sa Cuyo at ang tanging gagawin lamang ay kite surfing o paggamit ng burador sa nakalinyang mga aktibidad. Paliwanang pa niya, seasonal ang hangin sa Cuyo sapagkat tuwing Amihan at Habagat lamang ito akmang isagawa kaya may pahinga at hindi tuloy-tuloy.
Sa kanyang pagtatapos, ipinakita ng bokal sa kanyang mga kasamahan sa Konseho ang isang video presentation upang makita mismo nila kung ano ang kanyang tinutukoy na sports activities na nakapaloob sa kite surfing o kiteboarding.