Dagdag allowance para sa mga guro at uniformed personnel. Isusulong ni Mayor Bayron

Ibinahagi ng Punong Lungsod Lucilo R. Bayron sa kaniyang talumpati sa flag raising ceremony na ginanap sa New Green City Hall, Puerto Princesa, ngayong araw ng Lunes, Hulyo 14, ang pagsusulong ng karagdagang allowance para sa mga guro at mga uniformed personnel.

Ayon kay Mayor Bayron, magbibigay umano ito ng direktiba sa Sangguniang Panlungsod na gumawa o magpanukala ng ordinansa.

Sa nasabing panukala, inaasahan na madadagdagan ng dalawang libong allowance (P2,000) kada buwan ang mga guro ng City Department of Education at isang libong dagdag allowance (P1,000) naman para sa mga uniformed personnel, kabilang na ang mga opisyales, operatiba, at miyembro ng City Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology. Sa kabuuan, magiging P2,000 na ang buwanang allowance na matatanggap ng mga uniformed personnel kung sakaling maipasa ang ordinansa.

Ayon naman sa DepEd Puerto Princesa, kasalukuyang tumatanggap ng P2,000 na buwanang allowance ang mga guro sa lungsod mula sa Personal Economic Relief Allowance (PERA). Kung magkataon, malaking tulong umano ang dagdag na dalawang libong allowance na isinusulong ni Mayor Bayron.
Exit mobile version