Naging mainit ang unang bahagi ng talakayan ng mga miyembro ng City Council at opisyales ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) ukol sa dagdag sanang 30 porsiyento sa naunang ipinalabas na Billing Scheme Advisory ng Kooperatiba. Bagama’t may bago nang inilabas na paabiso ang ERC ukol sa paraan ng paniningil ng Paleco sa electric bill ng kanilang mga konsyumer, minarapat pa ring ipinatawag ng Sangguniang Panlungsod ang Paleco upang bigyang-linaw umano ang usapin na nagdulot ng kalituhan at pagkabahala sa mga mamamayan, na ayaw na umano nilang maulit pa sa hinaharap.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang unang paabiso ng Paleco na una nilang ipinaskil sa kanilang Facebook page noong Mayo 4 dahil sa katagang “idadagdag” ang tatlumpong porsiyento sa bayarin sa buwan ng Abril.
Sa nabanggit na lumang advisory, na ang paliwanag ng Paleco ay ibinaba ng ERC noong April 15 kung saan panahon ng ECQ, ang kompyutasyon para sa buwan ng Marso ay ibabase sa average billing sa nakalipas na anim na buwan o mula Setyembre 2019 hanggang Pebrero 2020 habang ang Abril ay ibabase naman sa resulta ng average billing, kasama ang dagdag na 30 porsiyento. Hahatiin naman ito sa apat na buwang pagbabayad o mula Mayo hanggang Agosto upang mapagaan umano ang buwanang obligasyon ng mga member/consumer.
Sa Question and Answer Hour kahapon, Mayo 11, dumating sa punto na tumaas ang boses nina Konsehal Elgin Damasco at ang ilan sa Paleco nang itanong ng una kung ano ang ligal na basehan ng huli sa pagbababa ng paabiso at sino ang nag-utos nito. May mga pagkakataon pang habang nagpapaliwanag ang opisyales ng Paleco ay sumisingit si Kgd. Damasco upang magtanong.
PALIWANAG NG PALECO SA MGA KONSEHAL
Paliwanag ni OIC Paleco General Manager Maria Lolita Decano, pansamantalang humalili kay Paleco Acting General Manager at Project Supervisor Nelson Lalas dahil naabutan ng lockdown sa Kamaynilaan, gumawa sila ng projections o forecast dahil hindi nakapag-billing ang lahat ng electric utilities, gaya nila, mula Marso hanggang April dahil sa ipinatutupad na social distancing dulot ng COVID-19.
“Kapag gumawa po kami ng forecast, hindi naman po nilagay na hundred percent….May reading cycle kaming tinatawag. So, kung mag-reading po kami, hindi po eksakto ‘yun kasi kung mag-reading kami, halimbawa sa bahay ko po ng April 8, ang last billing period ko ay May 8. Hindi po kami eksakto for the whole month of May, mababasahan namin—,” ani Decano na hindi na natapos ang kanyang paliwanag dahil muling nagtanong si Damasco. Kasama rin ni Decano sina Human Resource and Admin Department Manager, Engr. Nap Cortes Jr., ang tagapagsalita ng Paleco na si Bb. Claire Guludah at ang iba pang personalidad ng Kooperatiba.
Tinanong ni Damasco ang legal bases o ugat ng nasabing hakbang at iginiit na ang nakalagay sa Paabiso ay “direktiba ng ERC” ngunit nang kanya umanong tingnan ay wala naman.
Iginiit pa niyang ang inilabas na pabatid ay mali at hindi pa aprubado ng Paleco Board kaya umano binawi rin nila ang kautusan. Kinuwestyon din niya kung bakit ipatutupad ng Management ang di-pirmadong Paabiso ng ERC at idinagdag na “maybe allowed” ang nakasaad sa notice na nangangahulugan umanong hindi mandatory, kundi pwedeng sundin at pwede ring hindi.
Ngunit sa dagdag na paliwanag ni Engr. Cortez, sinabi niyang inotorisa sila ng ERC, at gayundin ang iba pang electric utilities sa bansa, na magbigay ng “estimation” at ang ginamit nila ay anim na buwan.
Aniya, kapag i-average ang Setyembre hanggang Pebrero o kapag hahatiin sa anim na buwan ang bayarin ay mas maliit ang babayaran ng isang konsyumer dahil ang Disyembre na karaniwang malaki ang energy consumption dahil holiday season ay nahihila ng ibang buwan. Ipinakita rin niya ang kompyutasyon gamit ang ilang halimbawa at base doon ay sinabi niyang mas mura ang mababayaran ng isang consumer kapag ginamitan ng 30 percent at estimation kumpara sa nakasanayang actual computation lamang na “present reading less previous reading” formula.
HINDI KUMBINSIDO?
Sa kabila naman ng paliwanag ng Paleco Management na sinabayan pa ng aktuwal na pag-compute sa 30 percent ay nananatiling diskompiyado rito si Kgd. Damasco at iginiit na hindi ito pabor para sa mga konsyumer. Bunsod nito ay naghain siya ng isang resolusyon na naka-address sa Paleco at ERC na humihiling na actual reading ang gawin at doon ibabase ang paniningil at hindi sa average billing na inaprubahan din ng Konseho ng araw na iyon.
Ngunit para kay City Councilor Herbert Dilig, hindi dapat magpadalu-dalos na hilingin sa mga kinauukulan na actual reading ang ipatupad dahil baka mabigla sa bayarin ang mga consumer.
“Ayaw ko lang pong lumabas na apology [ito] para sa Paleco…ayaw ko lang pong magpadala sa bugso ng damdamin. Bagamat naiintindihan ko po ang binabanggit ni Konsehal Elgin Damasco ay para sa akin po, kung pag-iisipan nang husto, hindi tayo dapat magpadalus-dalos…. Hindi [man] mawala sa [metro ang] konsumo natin sa Marso at Abril, pero hindi mo pa rin made-determine kung saan ang para sa Abril at sa Marso kasi buo na ‘yan, tumakbo na ‘yung metro,” ani Dilig.
Tinanong pa niya kung ano ang komento ng OIC GM sa lahat ng mga tinuran ni Damasco.
Sagot naman ni OIC GM Decano, kailangan nilang maningil upang hindi rin sila maputulan ng mga IPP na kapag nangyari iyon ay mas magdudusa ang mga mamamayan. Aniya, walang budget ang Kooperatiba para iabuno sa pagbayad sa mga power producer kung hindi sila maniningil sa mga consumer para sa Marso at Abril.
Habang si Engr. Cortez, muli niyang iginiit na mas mababa ang bayarin kapag ginamit ang latest ERC Advisory at ipinaliwanag na wala silang magagawa kundi sundin ang iniatas sa kanila.
“Kaya po kami nag-i-estimate kasi po, ‘yun po ang advice ng ERC sa lahat ng electric utility. Sabi nga po, ‘Dura lex sed lex,’ o ‘It is harsh but it is the law.’… Pwede po kayong magpasa ng resolution…pero sa ngayon po, dahil may advisory na ang ERC, ang ginagamit po nilang order ay ‘should,’ ibig sabihin, dapat sundin. Kailangan tayong mag-estimate…. ‘Yan po muna ang susundin namin hangga’t wala pang inilalabas ang ERC [na panibagong kaautusan],” paliwanag ni Cortez.
BAGONG BILLING SCHEME
Sa bagong Advisory ng Energy Regulatory Board, sa kadahilanang hindi nakapag-actual reading sa buong bansa noong Marso at Abril dahil sa ECQ ay inatasan ang mga electric utilities na gamitin ang average billing sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa kompyutasyon, para sa Marso, ibabatay ito sa average consumption noong Disyembre 2019, Enero 2020 at Pebrero 2020 habang ang buwan ng Abril ay ibabatay sa Enero 2020 at Pebrero 2020, kasama ang resulta ng estimated bill ng Marso na pwedeng bayaran sa loob ng apat na buwan o mula Mayo hanggang Agosto. Hindi rin naman umano malulugi ang konsyumer dahil ikukumpara rin ang estimated billings sa actual reading at kapag sumubra ay ibabawas din ng Kooperatiba sa bayarin ng isang member/consumer.