Mas pina-igting ng municipal agriculture office ng bayan ng Roxas ang pagsasagawa ng vaccination sa mga aso sa iba’t-ibang barangay nitong buwan ng Marso 2019. Ito ay dahil sa naitalang dalawang patay matapos makagat ng aso sa Barangay Antonino at Barangay Taradungan.
Pinaniniwalaang may rabies ang mga aso na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang biktima. Ayon kay Edgar Padul, municipal agriculturist ng Roxas, na puspusan ang kanilang ginawang kampanya para hikayatin ang mga nagmamay-ari ng aso na ipabakuna ang kanilang mga alaga para sa kaligtasan ng publiko. Ang unang naitala na namatay dahil sa pagkagat ng aso ay noong Nobyembre 2018 sa Barangay Taradungan samtantalang ang pangalawa ay noong Enero 2019 kung saan namatay ang biktima sa Barangay Antonino.
Ang dalawang barangay ay may layong mahigit 40 kilometro mula sa sentro ng bayan ng Roxas. “Itong mga victims ay mga matatanda na ito eh. May mga apo na nga. Hindi lang rin nagpapagamot matapos makagat sila ng aso,” saad nito.
Ayon pa kay Padul na ang kanilang tanggapan ay nakapagsagawa ng pamamakuna sa mahigit 200 na aso sa Barangay Antonino kung saan doon sila nagsimula sa kanilang ginawang vaccination. Pagkatapos sa Barangay Antonino ay isinunod ang Barangay Taradungan, bago pa ang ibang mga barangay sa nasabing bayan.
“Itong mga barangay na ito ay mga interior (barangays) at hindi laging napupuntahan. Kaya doon tayo nagsimulang namamakuna pagkatapos nitong may namatay nung nakagat ng aso,” dagdag ni Padul.