Narra, Palawan — Nauwi sa gulo ang masayang selebrasyon ng Palay Festival kagabi, Oktubre 20, matapos magsuntukan ang dalawang lalaki sa plaza ng bayan dahil umano sa hindi pagbabayad ng isa sa kanilang pustahan kaugnay sa larong basketball.
Ayon sa ulat, nagkasagutan ang dalawang lalaki itinago lamang sa alyas na “Jimmy,” at “Ariel,” matapos ang laban ng basketball, kung saan isa sa kanila ay hindi tumupad sa napagkasunduang bayad sa pustahan. Dahil dito, nauwi sila sa mainitang palitan ng salita at kalaunan ay pisikal na komprontasyon sa harap ng mga tao.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa mga saksi.
Dinakip ng mga pulis ang dalawang lalaki at isinakay sa police mobile upang dalhin sa himpilan ng pulisya. Gayunpaman, habang isinasakay, nagawa pa umanong pumiglas ng isa sa mga suspek at tumalon mula sa sasakyan. Laking gulat ng mga pulis nang makita nilang may dala itong baril sa kanyang body bag, na kanya pang itinutok habang nag aamok.
Sa kabutihang palad, mabilis na na-kontrol ang sitwasyon at muling nahuli ang suspek bago pa ito makagawa ng mas malalang krimen.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang lahat ng detalye ng insidente at upang matukoy kung lehitimo ang baril na dala ng suspek.
Samantala, patuloy naman ang pagdiriwang ng Palay Festival sa Narra, bagaman naging palaisipan sa marami kung paano nauwi sa kaguluhan ang isang simpleng laro ng basketball na bahagi sana ng kasiyahan ng okasyon.