Patuloy ang panawagan ng kabiyak ni PCpl. Mark Anthony Raz Alejandro, ang isa sa mga sakay ng lumubog na bangka sa Caluya, Antique, sa sinumang posibleng nakakita sa kanya na agad itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, sa PCG o sa kanilang barangay.
Makikita sa mga post ni Ghen Alejandro, dating residente ng Lalawigan ng Palawan at kasalukuyan nang naninirahan sa Antique, ang mga emosyunal na mga kataga kaugnay sa patuloy na paghahanap sa kanyang asawa na isa sa limang sakay ng speedboat na nagsilbing security boat ni Caluya Mayor Regil Kent Lim na maghahatid sana ng mga relief good sa island barangay ng Sibolo noong Mayo 8.
Sa ulat ng PNA, bandang ika-8:30 ng umaga ng nasabing petsa ay lumubog ang bangkang sinasakyan nina Alejandro, kasama ang apat na iba pa, nang dalawang beses umanong hampasin ng malalakas na alon ang kanilang sinasakyang motorboat.
Sa kabutihang-palad ay agad na na-rescue ang apat na indibidwal na binubuo ng dalawang miyembro ng PNP at dalawa rin sa hanay naman ng Philippine Coast Guard, ngunit si Alejandro ay missing pa rin hanggang sa kasalukuyan. Itinigil ang Search and Rescue operations (SARS) noong Mayo 13 bilang bahagi na rin umano ng protocol operation, kung saan, kabilang sa mga tumulong ay si dating Senador at ngayo’y Congresswoman Loren Legarda.
Sa isa naman sa mga post ni Gng. Alejandro, mababasang nananawagan na rin siya sa mga lugar na posibleng mapadparan ng kanyang asawa gaya ng sa bahagi ng Palawan.
“Hubby sa’n ka na? Kung sinuman ang nakakuha sa’yo, sana mabuting tao ka at ibalik ka niya sa amin na pamilya mo. Sa mga isla riyan sa Cuyo at Agutaya at mga kalapit na isla, please kung may info kayo i-message n’yo agad ako or pumunta sa [inyong] pinakamalapit na police station or Coast Guard,” aniya.
“Yung current ng tubig, do’n po siguro papunta. Kasi marami na rin nalunod na do’n napapadpad sa Cuyo,” paliwanag pa niya nang tanungin sa dahilan ng pag-abot nila sa paghahanap sa bahagi ng Palawan.
Sa ilang post ding naka-tag kay Mrs. Alejandro ay nanawagan sila sa mga residente ng Romblon at Mindoro kung nakita nila ang missing pa ring pulis.
Kwento pa ni Ghen sa kanyang post, isang mabait, maka-Diyos,magalang, maunawain, at walang bisyo ang kabiyak na si Police Corporal Alejandro kaya lubha umano siyang nasasaktan sa naganap.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Gng. Alejandro na may request na rin sila at may nakahanda na rin umanong tumulong para mahanap ang nawawala pa rin niyang asawa at nasabihan na rin umano ang mga katabing bayan.
“Please share! Big help kung mas maraming magsi-share at tutulong din sa paghahanap. One week na siyang nawawala,” ang post ni Mrs. Alejandro kahapon, maliban pa ito sa mga nauna niyang post at iba pang post ng kanilang mga kakilala na naka-tag sa kanya.
Kahapon din ay nag-post si Ghen at muling nakiusap sa lahat na ipagbigay-alam sa kanila o sa mga kinauukulan kung alam nila ang kinaroroonan ng kanyang kabiyak.
“Sa mga mangingisda diyan, baka naman may nakakita kayong tao na patulang-lutang na kayo ang nakakuha please lang, sabihin n’yo agad. Kahit sa mga kapitbahay n’yo. Kahit walang malay o di makapagsalita ‘yung nakita n’yo na tao, ipaalam n’yo pa rin. Importante na makita na po namin siya. One week na ang lumipas pero umaasa pa rin kaming pamilya niya na buhay siya. Pwede n’yo rin ako i-message kung sakaling may alam kayo,” pakiusap ng nangungulinang ginang.