Pinangangambahan ngayon ng samahan ng mga mangingisda sa bayan ng Taytay, Palawan, ang nakaambang demolisyon sa kanilang mga tahanan sa baybayin ng nasabing bayan. Ayon kay Jumar Laterna, presidente ng mangingisda sa naturang lugar, sa kanilang pakikipag-usap sa LGU at Department on Environment and Natural Resources (DENR), paaalisin umano ng mga ito ang mga nakatirang mangingisda sa mga dalampasigan. Nagkaroon na rin umano ng mga pagsusukat sa tabing dagat.
Sa katunayan ay 29 na sa 31 barangays ng Taytay ang natapos nang sukatin. Saksi rin ang mga mangingisda na sa lahat ng barangay na pinagsukatan ng DENR ng tinatawag nilang “salvage zone” ay lahat ng mga kabahayan ay masasakop.
Samantalang, halos lahat ng mga mangingisda sa nasabing bayan ay walang mapaglilipatan kung sakaling matuloy ang demolisyon.
Ipinagtataka rin nila kung bakit maliliit na mamamayan lamang ang target ng ipinatutupad na batas. Samantala nagpaliwanag naman ang DENR katauhan ni PENRO Felizardo Cayatoc hinggil sa usapin; Aniya’y ang nasabing demolisyon ay tumutukoy lamang sa mga baklad na nakatayo sa gitna ng dagat at hindi sa lahat ng mga kabahayang nasa dalampasigan.
Pero inamin naman nitong nagkaroon nga ng pagsusukat ng salvage zone sa bayan ngunit ito ay nakasaad naman sa batas, kaya ang lahat ng tatamaan nito ay papakiusapang lumikas dito.
Hindi naman papaalisin ang mga ito kung walang nakalaang relocation mula sa munisipyo.