Department of Health, nananawagan na itigil ang pagsingit sa pila ng pagbabakuna kontra COVID-19

Nagbabala si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa mga DOH Regional Directors na huwag sumingit sa pila o sa priority list ng mga mababakunahan ng COVID-19 vaccines. Ito ay matapos maglabas ang Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) noong Marso 24, 2021 ng listahan ng 5 alkalde sa bansa na nauna nang nagpaturok ng bakuna bago ang mga healthcare workers at frontliners nito.

“Nagbigay na kami ng babala rin sa aming mga regional directors’ ng DOH. Tinawagan namin sila. Nagpatawag tayo ng meeting at sinabi natin ‘nobody jumps the line, the most important people who are to be vaccinated at this point in time are the health care workers.’”

“‘Wag natin kunin yung mga bakuna na dapat doon sa tao na magliligtas ng ating buhay kung saka-sakali. So, ito po ay hindi natin nire-recommend. Ito po ay hindi natin ine-encourage. Wala po tayong protocol na plus 1. Ang atin pong protocol [ay] lahat po ng health care workers [at] lahat [ng] frontline health care workers from 8.1 to 8.7 sa prioritization framework natin.”

Nananawagan din ito maghintay dahil ang lahat ng mamamayan ay mabibigyan naman ngunit dapat unahin ang mga taong mas kinakailangang mabakunahan lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya.

“Bantayan po natin ang ating mga bakuna. Napaka-important resource po natin ito sa ngayon dito sa pandemya at ito po dapat ay maibigay sa mga kinauukulan o yung appropriate na mabigyan sa ngayon. Magkakaroon po tayo lahat pero sana po we all guard our vaccines so that we can appropriately give it to those people who are at most need at this time of our pandemic.”

Dagdag pa ni Usec. Vergeire, maaaring tumawag sa hotlines ng DOH o magsumbong sa regional offices nito para hindi na ito makaugalian.

“Kung sakaling nakakakita po kayo ng mga taong jumping the line or skipping the line para po dito sa pagbabakuna, maaari po kayong tumawag dito sa mga DOH hotlines or even mas malapit ang DOH regional offices niyo po para po tayo ay makapag imbestiga at matigil natin ang ganitong mga practices.”

Ayon sa isang residente na taga Brgy. Tiniguiban, tama na mauna ang mga healthcare worker at fronliner pero dapat din masama ang mga lider o mga mataas ang posisyon sa gobyerno upang magsilbing ehemplo at mahikayat ang mga nasasakupan nito na magpabigay din ng bakuna.

“Kung may batas na ganun, lumabag na sila, ‘di ba? Pero para sa akin, tama lang naman na mauna sila [mga nasa gobyerno]. Sila yung magiging example para doon sa mga tao na [nag-iisip] kung bakit kailangang magpabakuna lalo na may agam-agam yung ibang mga healthcare worker. So ‘pag nakita ng mga tao na ‘uy nauna nang nagpabakuna si Mayor, ibig sabihin okay yung bakuna,’ susunod yung mga tao. Follow the leader lang naman yun eh.”

“Oo andun talaga na mauuna ang mga healthcare worker pero kumbaga ‘di ba may mga tao na ayaw talaga magpa-vaccine. Kahit sabihin mong doktor pa ‘yan ang nag-a-advocate, hindi talaga yan sila susunod. Pero ‘pag nakita nila talaga ‘yung leader ng bayan nila mismo ang nangunguna, may possibility na susunod talaga sila.”

Exit mobile version