Maaaring magmulta at makulong si DepEd Palawan Schools Division Superintendent Dr. Natividad Bayubay oras na mapatunayang lumabag sa ipinatutupad na health and safety protocols dahil sa hindi nitong pagdaan sa quarantine bago pumasok at nakipagpulong sa kaniyang opisina sa Lungsod ng Puerto Princesa noong January 5 ayon kay Attorney Arnel Pedrosa, City Administrator.
“Meron siyang penalty na fine at imprisonment o dalawa kung sakali. Puwedeng pumili yung magpaparusa o yung judge kung fine po ba o pareho… Ang alam ko hindi yan bababa ng P6,000 pesos yung fine mababa lang kasi talaga ang parusa na puwedeng ipataw under sa isang ordinansa [and] not more than 30 days [na pagkakulong] yan mga ganyan,”ani Pedrosa.
Nilinaw din ng City Administrator na kahit sinong mamamayan ay may karapatan na magreklamo sa ginagawang paglabag ni DepEd Superintendent Bayubay at maaari namang tumulong ang City Government para maisakatuparan ang pagsasampa nito sa korte.
“Public offense naman siya na yung safety and health ng publiko ang naapektuhan pero pwede rin naman ang city government basta’t meron lang complainant atsaka may tetistigo If someone or if somebody will come forward filling a complaint, tapos mag-e-execute kayo ng affidavit, mayroong tetistigo na [may] executed na affidavit na sinasabi na lumabag sa mga health and safety protocols itong binabanggit na tao possible naman po yun,”
Ayon sa Executive Order 2020-15 s.2020 mula sa Puerto Princesa City Mayor’s Office, lahat ng mga pasaherong bumabiyahe papasok sa lungsod ay obligadong dumaan sa 14 days quarantine at ang sinumang lumabag dito ay maaaring maharap sa kasong administratibo o kriminal.