Naka base umano ang naging desisyon ni Governor Jose Chavez Alvarez sa naging resolusyon na ibinigay ng Sangguniang Panlalawigan, ito ang binanggit ni Palawan Provincial Information Officer Winston Arzaga.
Aniya, ang Gobernador umano ay naniniwala sa kakayahan ng mga Provincial Board sa paghawak at pagbibigay desisyon lalo na sa naging resulta sa kaso ni Narra Mayor Danao.
“Di naman tinatawaran ni Governor ang kakayahan ng ating mga members ng Provincial Board, kung ‘yan po ang kanilang findings na may pagkakamali ay definitely susuportahan nya ‘yan,” ani Arzaga.
Dagdag pa ni Arzaga, isa umano itong proseso na pinagdaanan na may nananalo at may natatalo at kung hindi umano tanggap ang naging resulta ay maraming pwedeng gawin.
Naniniwala rin ang opisyal na dumaan umano ito sa proseso sa Sangguniang Panlalawigan na kung saan nakita na may pagkukulang si Mayor Danao.
“Dumaan naman ‘yan sa proseso tiningnan ang mga ebidensya-at ang provincial board in good faith ‘yan na pinag aralan ang kaso, so nakita nila na mabigat ang pagkukulang ni Mayor Danao,” pahayag ni Arzaga.
Naniniwala umano ang Pamahalaang Panlalawigan na ito ay resulta sa labanan ng ebidensya ng magkabilang panig at hindi dapat pagbasihan ang ugali ng isang opisyal, bagkus tingnan kung may paglabag sa batas na dapat panagutan.
“Ito po ay labanan ng ebidensya, ibig sabihin kung may pagkakamali ang isang alkalde – kahit sino pa ‘yan, kahit gaano ka bait pa yan, gaano ka-popular, gaano ka will-intention ang paglilingkod kung may paglabag sa batas ay pananagutan po natin yan,” dagdag na pahayag ni Arzaga.
Kung matatandaan, pinatawan ng 20 buwan na pagkakasuspende si Danao dahil sa guilty ang alkalde sa mga kasong Administrative Offenses: a.) Grave Misconduct and Violation of Section 3 (e) and (j) Republic Act No. 3019; b.) Gross Negligence; at c.) Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service.