Muling isinalang sa Question and Answer Hour ng Sangguniang Panlalawigan ang mga kinatawan at opisyales ng PALECO upang mabigyang-linaw ang ilang mga usapin at plano ng kooperatiba para sa ikagaganda ng pagse-serbisyo nito sa kanilang consumers ngayong may kinakaharap na krisis ang bansa dulot ng COVID-19.
Isa sa naging sentro ng usapin at isinangguni ni Board Mmeber Ryan Maminta ang posibilidad na pagbibigay ng PALECO ng diskwento para sa kanilang mga tinatawag na kamay-ari.
Pero ayon kay PALECO OIC General Manager Lolita Decano, hindi nila kayang magbigay ng discount dahil malaking bahagi ng ibinabayad ng kanilang consumers ay napupunta lang rin naman sa power providers.
“Gaya po nung nasabi namin nung una, hindi po namin kayang magbigay ng discount kasi wala rin po kaming kukunan,” paliwang ni Decano.
“It’s not possible with PALECO… unang-una po, magkano po ba ‘yung nakukuha nating net surplus sa ating binabayad sa kuryente. Tandaan po natin na tayo po ay non-profit at hindi rin po tayo private corporation. Tayo po ay isang kooperatiba na kinakailangan pong bigyan din ng pansin ang mga kamay-ari. So, kung tayo po ay magbibigay ng amelioration o bawas sa ating mga bayarain, saan po kukunin ni PALECO ‘yung ibabawas po? We only follow kung ano po ang ERC rules and regulation at hindi po tayo pwede magdagdag o magbawas sa ating mga resibo o mga rates unless idinepensa po natin ito sa ERC,” dagdag naman na paliwanag ni Mylene Ballares, ang Vice Chairman ng PALECO Board of Directors.
Samantala, sa muling pagharap ng mga opisyal ng PALECO sa Q & A Hour ng sesyon ng Sangguniang Panlalawigan kahapon, June 9, natanong din ng Chairman ng Committee on Energy kung ano ang dahilan sa hindi na naman pagsipot ng chairperson ng PALECO Board of Directors sa imbitasyon sa ika-apat na pagkakataon.
Sinabi ni Ballares na may mga importanteng inaasikaso ang kanilang chairperson sa mga munisipyo sa Sur ng lalawigan.
“Wala po ang ating Chairman sa ngayon because po nasa Rizal po s’ya at kasalukuyan pong namimigay ng kanyang CSR sa kanyang mga ka-distrito sa bayan ng Rizal at Quezon. Isa pa pong dahilan ay mayroon po s’yang meeting with Bataraza tungkol naman po ito sa Rio Tuba… na pagpapa-ilaw sa Rio Tuba ng PSPI na magla-lapse na po ito sa taong ito at humihingi po sila ng extension sana for a year,” paliwanag ni Ballares.
Sa huli, sinabi pa ni Ballares na anuman ang mga suhestiyon ng Sangguniang Panlalawigan na makatutulong sa consumers ng PALECO ay agad niyang ipapaalam sa Board of Directors ng kooperatiba para kanila naman itong mapag-usapan.