DOLE Palawan, magkakaroon ng public consultation ukol sa minimum wage adjustment

Inaanyayahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Palawan ang publiko na dumalo sa gagawing public hearing patungkol sa minimum wage adjustment para sa mga kasambahay, private establishments at mga employer sa darating na Mayo 18, 2022 sa ganap na 1:00-5:00 ng hapon sa Costa Palawan Resort, Libis Rd. Cor. Hagedorn Rd. Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan.

Ayon kay DOLE Palawan Provincial Director Luis Evangelista, layunin nito na marinig ang mga hinanaing ng mga mangagawa sa lungsod at lalawigan maging ang mga employer nito.

“Ito ay parte ng proseso ng pagede-determine kung magkakaroon ng increase ng minimum wage natin. Yung public consultation ito ay ginagawa sa lahat ng lugar sa lahat ng probinsya ng nasasakupan ng isang rehiyon para mag-participate ang mga employee at mga employer sa pagtuklas ng panibagong guidelines sa panibagong rate increase kung saka-sakali,” ani Evangelista.

Dagdag pa ni Evangelista, dito ay masusi nilang pag-aaralan at pakikinggan ang mga hinanaing ng bawat isang manggagawa at mga employer kung dapat ba taasan ang kasalukuyang sahod.

“Inaanyayahan namin ang lahat ng mga interesadong indibidwal ito ay mga worker or kaya mga employer na makibahagi sa pag-uusap patungkol sa wage increase,” ani Evangelista.

“Mas maganda kung marinig yung inyong mga saloobin sa usapin ng pagtaas ng sahod. Mas maganda na kayo ay makapag participate at maiparinig ninyo ang inyong mga saloobin,” dagdag pa ng Director.

Samantala, umaasa naman ang pamunuan ng DOLE Palawan sa mga employer na payagan umano ang mga mangagawa nito na makadalo partikular na sa mga kasambahay.

Exit mobile version