Nakatakdang imbitahan ng Committee on Public Works, Transportation and Communications ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Municipal Engineering Office ng bayan ng El Nido upang maipaliwanag ang patuloy na pagbaha sa lugar, partikular na sa nagdaang bagyong Dodong.
Ang pagbaha sa El Nido ay nagdulot ng pag-aalala at pagkabahala sa mga residente ng nasabing bayan. Upang matugunan ang isyung ito, inaasahan na magbibigay ng pagsisiyasat at mga solusyon ang DPWH at Municipal Engineering Office sa pagdinig na gaganapin.
Sa kanyang privilege speech sa nakaraang session, binigyang-diin ni Board Member Juan Anotonio Alvarez ang pangangailangan ng pagsisiyasat at pagtukoy ng mga dahilan ng patuloy na pagbaha.
“Mr. Chair, gusto ko po sanang maimbitahan ang representative po ng DPWH at Municipal Engineering Office ng bayan ng El Nido para po ma-update tayo kung ano ang status kung bakit hindi na nakakadaloy ng tama ang mga tubig ‘pag umuulan kaya nagkakaroon po ng baha sa bayan ng El Nido,” ani BM Alvarez.
Sinabi din niya na mahalagang maunawaan ang sanhi ng patuloy na pagbaha sa El Nido upang magawa ang mga kinakailangang hakbang upang mabigyan ng agarang solusyon ang nasabing problema. Layunin din ng pagdinig na masiguro ang kaligtasan ng mga residente at ang patuloy na kaayusan sa bayan.
“Ang napansin po natin, sa tuwing malakas po ang buhos ng ulan sa El Nido, may bagyo man o wala, basta tuloy-tuloy ang ulan ay bumabaha na. Dati po kasi bago po nagkaroon ng maraming gusali at expansion ng highway ay hindi naman binabaha. Pero ngayon, minsan nga kahit konting pag-ulan lang ay umaangat na agad ang tubig. Ibig sabihin may mga kailangang remedyo sa mga ginawang proyekto at gusali na kailangan pong i-check kung anong nangyayari bakit na-stock up doon ang tubig at hindi na dumadaloy sa mga natural drainage ng highway,” ani Alvarez.
Inaasahang mabibigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng DPWH at Municipal Engineering Office na maipaliwanag ang kanilang mga plano, hakbang, at proyekto para maibsan ang problema sa pagbaha. Ito ay kasama na rin ang mga pagsusuri sa mga kahalintulad na kaganapan at mga hakbang na kanilang gagawin para sa pangmatagalang solusyon.