Kulang sa mga papeles at dokumento, o hindi-sapat umano ang ipinasang 2022 Annual Budget ng panig ni Mayor Sue Cudilla upang agad itong maaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Araceli kung kaya’t nagresulta nga ito sa pagkabinbin sa pasahod ng mga empleyado at pagtigil naman ng iilang mga serbisyo publiko para sa mga mamamayan ng naturang bayan.
Sa kopyang nakuha ng Palawan Daily patungkol sa inilabas na pahayag ng panig ng SB Araceli, sinabi ng mga ito na kanilang natanggap ang Annual Budget galing sa opisina ng alkalde ng bayan noong nagdaang Oktubre 15 ngunit nang kanila itong suriin ay lumabas na kulang ito sa mga pirma at iba pang mahahalagang dokumentong kinakailangan upang kanila itong aprubahan.
Dagdag ng SB, ay wala sa ipinasang Annual Budget ang mga karagdagang papeles na kinakailangan upang masigurong mapopondohan muna ang mga utang o binabayaran ng lokal na pamahalaan taon-taon na siyang dapat prayoridad ng pamunuan.
Sinalaysay rin ng mga ito na noong ika-12 ng Nobyembre nakaraang taon ay nagpulong muli sila upang talakaying muli ang mga kakulangan ng nasabing proposal ngunit, makalipas ang limang araw (Nobyembre 18), ay nagpasya na silang ibalik sa opisina ng alkalde ang isinumiteng Annual Budget kalakip ang isang sulat na naglalaman ng listahan ng mga karagdagang papeles o dokumentong kinakailangan upang tuloyan na ngang maauprabahan ang kontrobersiyal na Annual Budget Plan.
Samantala, ayon pa rin sa pahayag ng SB, noong ika-10 ng Disyembre naman ay nakatanggap sila ng sagot mula sa Local Finance Committee subalit sa kasamaang palad ay hindi pa rin na-proseso ang mga hinihiling nilang karagdagang papeles.
Noong araw ng Disyembre 14, ayon pa rin sa salaysay ng SB, kanilang muling tinalakay sa kanilang regular na session ang Annual Budget 2022. Dito na nga nagkaroon umano ng debate sa pagitan ng mga miyembro ng konseho dahil iginiit ng mga representate ng mga departamentong bumuo ng Annual Budget ay kulang na umano sila sa oras at hindi na mababago pa ang kanilang inisyal na isinumite.
Itinanggi ng mga miyembro ng SB ng Araceli na may halong politika ang nangyaring insidente. Subalit, marami na sa mga residente ng naturang bayan ang naapektuhan partikular na nga ang mga empleyadong ilang buwan nang walang sahod na tinatanggap mula sa lokal na pamahalaan. Bukod rito ay apektado na rin maging ang mga serbisyong kinakailangan ng mga mamamayan ng naturang bayan mula sa kanilang lokal na gobyerno.
Ayon sa bukas na liham na natanggap ng Palawan Daily mula sa mga residente ng nasabing bayan, maging ang lokal na paanakan ng kanilang Rural Health Unit (RHU) ay magsasara na dahil wala nang ipinapasahod ang lokal na pamahalaan.
Magpa-hanggang sa oras na ito ay sinisikap na kunan ng pahayag ng Palawan Daily ang opisina ni Mayor Sue Cudilla subalit hindi ito matawagan sa mga numerong aming nakuha mula sa aming mga source.