Upang palakasin ang sektor ng agrikultura at pangalagaan ang kapaligiran, nagkaloob ang Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng mga kagamitang pang-agrikultura sa Sagpangan Tribal Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Aborlan noong nakaraang Abril 11.
Ang nasabing aktibidad ay naglalayong suportahan ang mga lokal na magsasaka at magsasakang katutubo upang mapalakas ang kanilang produksyon at kabuhayan.
Kabilang sa mga kagamitang ipinamahagi ang wheelbarrow, knapsack sprayer, shovel, bolo, at iba pang mahahalagang kasangkapan na makakatulong sa kanilang mga gawain sa sakahan.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang naglalayong magbigay ng konkretong tulong sa mga magsasaka kundi pati na rin upang palakasin ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga komunidad na umaasa sa agrikultura.
Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawakang programa ng pamahalaang panlalawigan na tinatawag na Provincial Support Program, Biodiversity Conservation, at Enhancement Program of Public Parks and Green Spaces. Isa itong inisyatibo na naglalayong pangalagaan at paunlarin ang mga pampublikong parke at espasyo sa lunsod upang mapanatili ang kalikasan at likas na yaman ng lalawigan.
Bukod sa pagkakaloob ng mga kagamitang pang-agrikultura, nagpasiya rin ang PG-ENRO na isagawa ang isang assessment sa naturang lugar bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtatatag ng public parks at green spaces.
Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, inaasahang matutukoy ang mga pangunahing pangangailangan at oportunidad upang mapangalagaan at mapalawak ang mga espasyong pampubliko sa Aborlan, partikular na sa Barangay Sagpangan.