Patuloy na hinihikayat ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang mga mamamayan na magtanim sa kani-kanilang bakuran upang maging sagot sa pangangailangan sa pagkain ng kanilang pamilya.
Sa pagpasok ng Coronavirus disease-2019 (COVID-19) pandemic, naapektuhan man ang halos lahat at bahagyang napag-iwanan ang sektor ng agrikultura sa bansa, ngunit di maikakailang malaki pa rin ang naiambag nito sa ekonomiya sapagkat ang pagkain ang isa sa pangunahing pangangailangan ng tao.
Sa impormasyong ibinahagi ng “Palawan Moving Forward,” isang information-page ng Tanggapan ng Gobernador, nakasaad na patuloy na sinisiguro ng lokal na pamahalaan ang food security ng lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalalakas sa sektor ng agrikultura gaya na lamang ng ipinatutupad ngayong Integrated Community Food Production (ICFP) Program na unang inilunsad noon pang 2016.
“Ang tinutugon po ng programang ito ay pataasin ang antas ng ating produksyon at para masiguro natin ang ating pagkain o… [ang] ating food security at ang pagpapataas [pa] ng kita o income ng ating mga magsasaka; at siyempre ang pagpapataas sa kalidad ng nutrisyon ay kasama rin sa layunin ng ating programa,” ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal.
Ang nasabing programa ay pinangangasiwaan ng Office of the Provincial Agriculture (OPA) at pinondohan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) at unang naisakatuparan sa mga munisipyo ng Araceli, Dumaran, Rizal, Cayagancillo at Culion.
Sa ilalim ng ICFP, pinagkakalooban ng butong pananamin at technical assistance ang mga benepisyaryong magsasaka. Kasama na rin dito ang malawakang pagmo-monitor sa lahat ng sakahan sa Lalawigan ng Palawan.
Ayon pa sa pinuno ng OPA, nakita ng publiko ang malaking kontribusyon ng paggugulayan sa ating bakuran nang mag-umpisa ang lockdown kung saan bawal ang pag-alis ng bahay at sarado ang mga department store, mga palengke at iba pang nabibilhan ng pagkain. Ito ang naging buod ng pananalita ni Dr. Cabungcal nang magtungo ang kanilang grupo sa mga nabanggit na munisipyo upang magsagawa ng monitoring at evaluation.
“Malaki ang tulong nito sa akin, may kita at may hanapbuhay ang pamilya ko. Tulad na lang sa pakwan, nakaraan, halos kumita kami ng P50,000. Maganda kapag nagtutulungan, aasenso lahat. At gusto ko rin ibahagi ang kwento ko sa iba dahil sa pagtatanim ay napatapos ko ang aking asawa sa pag-aaral at ngayon ay isang guro na. Sipag at tiyaga lang [talaga ang kailangan],” ayon naman sa isa sa mga miyembro ng Sta. Maria Farmers’ Association (SMFA) na si Dennis Garmino ng Bayan ng Dumaran. Kamakailan ay kinilalang “Best Community Garden” ang SMFA sa isinagawang Harvest Festival sa nasabing bayan dahil sa husay nila sa implementasyon at pagpapalago ng kanilang proyekto.