Tiniyak ni PCSD Staff Executive Director Teodoro Jose “TJ” Matta na base sa dinaluhan niyang pagpupulong ng Regional Development Council (RDC) kamakailan ay sususpendihin ng DPWH ang paggawa ng Culion-Coron Bridge Project habang inaasikaso ang pagkuha ng mga clearance at ang pagsasagawa ng public consultation.
“Ako nag-move na i-suspend yong project eh, siyempre to save face, ang ginawa ni [NEDA MIMAROPA Regional] Director [Susan] Sumbeling is to allow DPWH to suspend the project on their own volition,” ayon kay Matta sa phone interview.
Aniya, ang tanging naging agenda sa nasabing pagpupulong ng Regional Project Implementation Committee ng RDC noong Miyerkules ay ang naturang usapin lamang matapos na makarating sa mga miyembro ang pag-alma ng mga indigenous peoples at NGOs at ang kawalan ng kaukulang permits.
Ani Matta, matapos na magbigay ng presentation ang DPWH at tanungin nila kung nasaan na sila sa environmental compliance, wala umanong masagot ang ahensiya.
“So, sabi ko ‘Wala pa kasing dumadaan sa amin. Ang mga malalaking projects na ‘yan, nakita ko sa presentation nila, makikita mo may feasibility study. Saan niya nakuha ang datos niya? Nasa amin ang lahat ng datos niyan — ‘yong sa zoning, ‘yong sa environmental impact, sa amin naman manggagaling ‘yan. Hindi naman consultant ang gagawa niyan,” ani PCSD Staff Executive Director Matta ukol sa mga sinabi niya sa naganap na meeting.
Aniya, maganda naman ang proyekto ngunit naisasagawa ito sa maling paraan.
“Nagni-name drop pa [ang DPWH] na ‘Build, Build, Build’ Project daw ni [Pangulong Rodrigo] Duterte eh nando’n si Dir. Contreras ng Office of the President, kasama namin, eh di kinampihan kami ni Dir. Contraras [at sinabi niyang] ‘So what kung ‘Build, Build, Build’ Project ‘yan? Ang gusto ni Presidente, ang project na ‘yan, can be done efficiently and correctly. Hindi ‘yong ganyan. Ako mismo ang magre-report kay Presidente na mali ‘yong ginagawa n’yo!” dagdag pa niya.
SUSPENYSON NG PROYEKTO
“Nagkaroon naman ng agreement na the next day (Huwebes) ay isu-suspend nila talaga. We’re holding them to their words. Tapos starting next week, they’ll be coordinating with us for compliance purposes,” ayon pa kay Matta.
Komento pa umano ng pinuno ng PCSD Staff kay DPWH-MIAROPA Executive Director Yolanda Tanco, dahil hindi pa nila batid kung anong gagamitin nilang teknolohiya at ang specific plan ay mahalagang mapag-usapan muna nila ito.
“Ang problema kasi, mayroon nang nagsimula, ‘yong road opening leading to Bridge 1 has already started at may earth moving at saka may tree cutting na; napansin nga [ito] ng EMB-DENR. At bring-up nga na baka magka-siltation na kasi may earth moving na eh,” aniya.
LAHAT DAPAT DADAAN SA PCSD
Maliban sa wala pang environmental impact assessment (EIA), tahasan ding tinuran ni Matta na wala ring SEP clearance ang proyekto na sa ilalim umano ng kanyang pamumuno ay hindi niya iyon papayagan, lalo na at hindi iba sa kanya ang Busuanga—sapagkat tagaroon siya.
Kalagitnaan pa umano ng Marso ay alam na nila ang isyu matapos na ipaalam ito ng kanyang kaibigan mula sa Change.org kaya pinaimbestigahan din umano ito ng PCSDS sa kanilang District Management Office (DMO) sa Calamian.
“Matagal na kaming humihingi since mid-march pa kami humihingi ng mga plano at application nila for SEP clearance, ito na nga pumutok na, wala pa rin, eh di hanggang nagpatawag na ang RDC ng meeting dahil nga nakaabot na sa NEDA, nakaabot na kay [DENR] Sec. [Roy] Cimatu, nakaabot na rin sa Malacanang. Eh di pumutok sa mukha nila,” ani Matta.
Aniya, kapag hindi tinupad ng DPWH ang pansamantalang pagsuspinde sa kanilang proyekto at pakikipag-ugnayan sa kanila ay mapipilitan ang PCSDS na magsumbong sa tanggapan ng Gobernador, sa Presidential Management Staff at sa kalihim ng DENR.
Sa huli ay nagpasalamat si Matta dahil mapagmatiyag ang komunidad, ang mga IPs na kamakailan ay nagsagawa rin ng pagpupulong at ipinakita sa social media ang labis nilang pagtutol.
Sa nasabing proyekto ng DPWH, nais ng ahensiya na gumawa ng tulay na magdudugtong mula sa mainland Busuanga, sa Brgy. Bintuan hanggang Lusong Island sa Marilyn Island sa mainland Culion. Ang bridge construction ay nasa five kilometers radius sa pitong “Top Underwater Attraction” ng mga bayan ng Coron at Culion.
Kapag itinuloy ang proyekto, ayon sa mga tumututol, maaapektuhan nito ang Lusong Coral Garden, Lusong Gunboat Shipwreck, Irako Shipwreck, Olympia Maru Shipwreck, Kogyo Maru Shipwreck, East Tangat Shipwreck at Akitshushima Shipwreck, ilan sa mga bakas ng nagdaang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.