Binawian ng buhay ang isang ginang habang ginagamot sa ospital dahil sa natamong malubhang pinsala sa ulo dulot ng aksidente sa motor.
Ang mga involved sa aksidente ay sina Ricardo Palapa, 64 anyos, may asawa, magsasaka, walang driver’s license, drayber ng kulay pulang Honda TMX 125 motorcycle, na may temporary plate number, sakay na backrider ang kanyang kabiyak na si Norita Palapa, 64 taong gulang, housewife, pawang mga residente ng Brgy. Punang, Sofronio Española, Palawan at Menhar Musa Takwang, 19 taong gulang, magsasaka, wala ring driver’s license, drayber naman ng kulay itim na Euro Motor 125 motorcycle, may pansamantalang temporary plate number, at residente rin ng nabanggit na lugar.
Sa spot report ng PPO, nakasaad na dakong 7 pm noong Oct. 6, 2020, sakay ng kanyang motorsiklo ay binabagtas nina Ricardo Palapa ang daan mula Brgy. Punang patungo sa Brgy. Iraray, Sofronio Española, Palawan. Nang marating ang lugar ng aksidente ay natumba ang minamaneho niyang motorsiklo sa gutter dahil sa madulas na daan at aksidenteng nabunggo naman ang motor ni Menhar Takwang na naka-park sa tabi ng kalsada.
Bunsod nito ay nadisgrasya ang driver at pawang natumba ang mga motor.
Pareho namang nagtamo ng pinsala ang drayber at ang kanyang asawa na nakasakay sa likurang bahagi ng motor. Agad silang isinugod sa Leoncio General Hospital ng mga rumesponding barangay official at barangay tanod ngunit sa kasamaang-palad, dahil sa natanong malubhang head injury ng ginang ay binawian din siya ng buhay habang ginagamot sa pagamutan.
Samantala, parehong nagtamo ng pinsala ang nabanggit na mga sasakyan at nagtamo ng di pa tiyak na halaga at kasalukuyang nasa kustodiya ng Brgy. Punang para sa tamang disposisyon.