Gov. Alvarez bukas sa pagkakaroon ng DepEd Superintendent na mula sa Palawan

Inihayag ni Provincial Information Officer (PIO) Winston Arzaga na naniniwala umano si Palawan Governor Jose Chaves Alvarez na maraming mga guro dito sa Lalawigan ng Palawan na may kakayanan na pamunuan ang Provincial Department of Education (DepEd) oras na ipatupad ang 90 day suspension ni Schools Division Superintendent Dr. Natividad Bayubay.

“Alam naman ni Governor Alvarez na sa Palawan napakaraming teachers dito na magagaling na anytime, if given the opportunity, can lead the Deped very well. Napatunayan na po yan sa mga sarili at mga produkto dito kayang-kaya maging superintendent,” ani Arzaga.

Nilinaw ni PIO Arzaga na hindi ang Pamahalaang Panlalawigan ang masusunod kung sino ang ilalagay na mamumuno sa DepEd Palawan.

“Let’s give them the opportunity to show their love for Palawan, to show their competency in leading DepEd. Pero, again, hindi kasi provincial government yan. We can only recommend,” pahayag nito.

Ayon naman kay 2nd District Board Member Ryan Maminta, may ipinasa na silang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan noong January 5 na humihiling sa Department of Education na mag-appoint ng full time School Division Superintendent sa lalawigan.

“Actually, yung resolution was for [the] designation or appointment of [a] full time SDS so nasa Deparment of Education na rin, kay Secretary Briones and Director Capulong. Kung tutugunan nila yung resolution, whatever it is, it will be all under the authority of the Department of Education. Gusto lang natin, kumbaga, magkaroon ng continuous delivery ng basic education,” ani BM Maminta.

Samantala, sa ngayon ay itinalagang DepEd Palawan Officer-In-Charge Schools Division Superintendent (OIC-SDS) si Arnie Ventura na inaasahang makakabalik sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong Sabado.

Exit mobile version