Gov. JCA, pabor sa muling pagbubukas ng mga paliparan sa Palawan

Taliwas ang paniniwala ni Governor Jose Chaves Alvarez sa usapin ng muling pagbubukas ng mga paliparan sa buong lalawigan ng Palawan kumpara sa nais ng pamahalaang panlungsod na wag munang ibalik ang operasyon para sa commercial domestic flights hanggang June 30.

Sa isinagawang “Pakimanan Ta Si Gob” sa provincial capitol, sinabi ni Alvarez na para maibalik ang sigla ng turismo sa buong Palawan ay kailangan nang maibalik ang pagbubukas ng mga paliparan sa lungsod at lalawigan.

“Ang isip natin na babalik ang turismo kaagad, hindi mangyayari ‘yun kaya mag-concentrate tayo doon sa mga local tourist. Ano ‘to, galing doon sa iba-ibang mga probinsya na gustong pumunta ng Palawan dahil bantog na bantog na ang Palawan sa buong mundo at buong Pilipinas na napakagandang isla,” ani Gov. Alvarez.

“At saka kung mga Pilipino ‘yan, atleast ito sila, sunod ito doon sa ating contact tracing, sunod ito doon sa ating rapid test kits, marami itong mga provincial visitors na ating i-expect. So, in order to prime again ‘yung local tourism, kailangang buksan natin ‘yung ating airports. Kaya nga medyo hindi ako sang-ayon doon sa city na sumulat sila sa CAAP na ‘wag muna, June 30 na lang,” dagdag ng gobernador.

Giit pa ng gobernador na kung ayaw pa ng city government na muling buksan ang mga paliparan, wala naman anya siyang magagawa dito pero sila sa probinsya ay payag at handa na sa muling pagbabalik ng operasyon ng mga airport sa Palawan.

“Kayo, June 30, ‘yung mga taga-city, pasakyin n’yo June 30. Kami, kung sabi ng CAAP, June 10 o 12, okay na kami, probinsya. Hindi namin padaanin ng city, pagdating sa airport, hatid namin sa mga bayan-bayan nila agad. Hindi joke, totoo ‘yun dahil doon nga sa count natin, anim na libo ang tumawag sa atin,” ayon pa sa gobernador.

Matatandaan na una nang sinabi ng city government na hindi pa handa ang lungsod sa pagdating ng maraming bilang ng mga indibidwal na uuwi o pupunta sa lungsod kaya sumulat ito sa pamunuan ng CAAP.

Ang city council naman ay hinihiling din sa Department of Transportation na kung maaari ay hanggang June 30 ay huwag munang ibalik ang operasyon ng paliparan sa lungsod hanggang June 30 sa kadahilanang kinakailangan pa umano ng karagdagang panahon para makapaghanda sa pagdating ng mga bibisita sa lungsod na hindi naman mga locally stranded individuals.

Exit mobile version