Grupong Karapatan, nakikipag-ugnayan sa MTF-ELCAC-Brooke’s Point upang makuha ang mga labi ng mga NPA na napaslang sa sagupaan

Kinumpirma ni Brooke’s Point Mayor Mary Jean Feliciano na nakikipag-ugnayan sa kanya sa ngayon ang Karapatan upang makuha ang mga labi ng mga nasawing miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na engkwentro kamakalawa.

“Nakikipag-coordinate sa akin ang KARAPATAN on behalf of the families. Kukunin ng families ang mga cadavers,” ani Punong Bayan Feliciano.

Nang tanungin naman kung ano ang magiging hakbang ng Municipal Task Force-ELCAC kung saan siya ang chairman, sinabi ni Feliciano na kanila rin namang ibibigay ang mga bangkay sa mga pamilya ng mga nasawi.

Matatandaang kahapon ay naibaba na mula sa bundok ng Bayan ng Brooke’s Point ang mga labi ng limang NPA at nai-turn over na rin sa lokal na pamahalaan matapos ang sagupaan noong Setyembre 3  sa pagitan ng tropa ng mga militar at nasabing mga makakaliwang-grupo.

Dinala naman ang mga bangkay sa morge ng Southern Palawan Provicial Hospital (SPPH) upang maembalsamo.

Ang mga napaslang na umano’y high ranking leaders ng Communist Terrorist Group (CTG)-New People’s Army (NPA) ay sina Sub-Regional Military Area-4E (SRME-4E) Secretary Bonifacio “Boywan” Magramo na siyang lider ng mga NPA sa buong Palawann, Andrea “Naya” Rosal (anak ni Ka Roger Rosal), deputy secretary; Noel “Ka Celnon” Siasico at ang dalawang guerrilla fighters na sina Ka Rj at Ka Pandan/Lemon.

Sa talaan ng 3rd Marine Brigade, sina Magramo, Rosal, at Siasico, ang ilan sa top wanted NPA sa Lalawigan ng Palawan, ay mayroong  standing warrants of arrest.

Responsible rin umano sila sa harassment ng mga government forces at karahasan  na nagresulta sa pagkakapaslang sa isang noong COVID-19 government frontliner ng Palawan Rescue 165 sa Bayan ng Dumaran.

Exit mobile version