Hardware store sa Coron, viral matapos maningil ng P300 parking fee sa isang lalaki

 

Viral ngayon sa Facebook ang isang hardware store sa bayan ng Coron matapos maningil ng P300 sa isang lalaki na humigit-kumulang tatlong oras lamang na nag-park sa harap ng kanilang establisyemento.

 

Ayon sa uploader ng larawan na si Rhances Red, hindi umano ito makapaniwala matapos singilin ito ng tindahan ng P300 na bayad sa pag-park niya ng kanyang sasakyan sa kanilang parking lot.

 

“Pasensya na medyo hindi lang ako maka paniwala. Ang lupet ng Anson101 Coron maka singil ng parking fee P300. Nagpaalam naman din naman sana ako sa guard na diyan lang kami sa Beanleaf, which is building din naman nila,” ani Rhances.

 

“Lagi rin naman kami bumibili ng materyales sa hardware nila. Naka pag park lang ng more or less three hours kasi taga Busuanga pa kami pero grabe maka singil,” dagdag ni Rhances.

 

Maiintindihan umano sana nito kung siningil siya ng tindahan ng P100 para sa parking ngunit para sa halagang P300 ay hindi na umano ito makatarungan.

 

“Maiintindihan ko sana kung P100 lang ang parking nila eh. Ang ginamit pa na resibo eh ‘yung sa store nila. Parang ilegal yata,” ayon sakanya.

 

Si Rhances ay residente at tour operator sa kalapit na bayan ng Busuanga.

 

Samantala, sa kasalukuyan, ay wala pang naiuulat na establisyemento sa lungsod ng Puerto Princesa na naniningil ng parking fee.

 

Sa Makati City, kung saan tinaguriang sentro ng corporate business establishments ng Pilipinas, naglalaro ang parking fee rates sa P45 sa unang apat na oras at karagdagang P50 kada oras naman para sa ikalimang oras o higit pang itatagal ng ano mang sasakyan sa mga regulated parking lots.

 

Sa ngayon ay higit 500 reactions at 544 shares na ang nakalap ng post ni Rhances.

 

Sinusubukan namang kontakin ng Palawan Daily ang sinasabing Chinese na may-ari ng nasabing hardware store maging ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Coron ukol dito.

Exit mobile version