Higit sa 1,000 residente ng Bataraza ang nakinabang mula sa dalawang araw na medical mission na isinagawa sa Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan, mula Marso 5-6.
Ang inisyatibong ito ay naglaan ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan para sa mga indigent senior citizens, buntis, mga bata, at mga katutubo.
Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ay libreng konsultasyon sa medikal, pagsusuri sa nutrisyon, pagtatasa ng dugo para sa malaria, bakuna, dental services, pagsusuri sa laboratoryo, pagsusuri para sa tuberculosis (TB), serbisyong leprosy, HIV screening/testing, at iba pa.
Labis naman ang naging pasasalamat ng mga residente ng nabanggit na barangay.
“Ito ay isang malaking tulong sa amin, lalo na’t malaki ang populasyon ng Rio Tuba. Ang mga serbisyo ay libreng ibinigay ng pamahalaang panlalawigan, kaya’t lubos kaming nagpapasalamat sa Provincial Health Office at kay Governor Socrates,” pahayag ni Barangay Captain Arman Gamo.