Ilang ROFs at LSIs sa Narra, tinitipid raw umano sa pagkain, SB, paiimbestigahan

Ilang Returning Overseas Filipino (ROF) at Locally Stranded Individual (LSI) sa Narra ang nagreklamo umano na tila sila ay tinitipid sa rasyon ng pagkain na kanilang natatanggap.

Sa mensaheng ipinadala ng isang ROF na hiniling na itago ang pagkakakilanlan sa Palawan Daily, sinabi nito na kanilang napag-alaman na P270 umano ang budget sa loob ng isang araw para sa isang ROF o LSI, ngunit, ito at ang kanyang mga kasama ay nadismaya umano sa tila “pagtitipid,” na ginagawa ng mga naghahanda ng pagkain.

Nagpadala rin ito ng mga larawan ng mga pagkain sa Palawan Daily. Sa mga larawan, makikitang nakalagay lamang sa mga roll bag ang mga kanin at ulam na siya namang inira-rasyon sa mga daan-daang mga ROF at LSI sa iba’t-ibang quarantine facility sa nabanggit na munisipyo.

“Ganito ba ‘yung P90 per meal? Baka P90 per 3 meals?” ani ng ROF na nagreklamo.

Samantala, matatandaan na sa isang regular na session ng Sangguniang Bayan noong June 22, ang mga ito ay nag-apruba ng tinatayang P5.6M na budget para sa mga humigit-kumulang na 400 pauwing mga kababayan.

Nagsalita rin sa nabanggit na session ang tumatayong OIC ng local ng Municipal Risk Reduction Office (MDRRMO) na si Leonard Mariñas at sinabi nito na ang P5.6M na pondo para sa mga kababayang pauwi ay hahatiin ng kanilang opisina gayundin ng mga ahensiyang bumubuo sa IATF ng bayan sa mga esensiyal na bagay kagaya ng akomodasyon ng mga pauwing kababayan, pagkain sa loob ng 14 na araw na facility quarantine gayundin ng mga frontliners, at pagbili ng mga kagamitan o medical equipment na siyang kakailanganin sa pag-handle sa mga ito.

Bago magtapos ang session, napagkasunduan ng SB at MDRRMO na magtalaga ng tinatayang P1.1M na pondo para sa pagkain (3 meals per day) sa loob ng dalawang linggong facility quarantine ng mga kababayang pauwi.

Sa panayam ng Palawan Daily kahapon kay Mariñas, sinabi nito na ubos na ang P1.1M na pondo para sa pagkain ng mga naunang ROF at LSIs na nagsimula nilang pakainin matapos magsimula ang Balik-Probinsya Program at makarating ang unang batch ng mga umuwing kababayan sa Narra noong June 15.

Nang tanungin ng Palawan Daily kung ilan na ang bilang ng mga naitalang ROF at LSIs na nakauwi sa bayan, sinabi nito na sa ngayon ay nasa humigit-kumulang 300 na ang mga napauwi at ilan sa mga ito ay nasa ilalim pa rin ng facility quarantine ng munisipyo sa kasalukuyan.

Sinubukan naman ng Palawan Daily na hingan ng pahayag si Albert Felizarte, ang siyang nag-handle ng catering ng mga naunang ROF at LSIs subalit ito ay hindi sumagot sa aming tawag at nagpadala lamang ng mensahe.

Sa mensaheng ipinadala ni Felizarte, sinabi nito sa Palawan Daily na sila ay nagde-deliver lamang base sa kung ano ang nire-require sakanila ng MDRRMO na siyang itinuturo din nitong implementing office kaugnay sa budget.

Sa parte naman ng SB, sa kanilang session noong Lunes, July 20, napagkasunduan ng mga miyembro nito na kanila itong paiimbestigahan. Sa privilege hour, nagsalita rin ang konsehal ng bayan na si Francis Atchera at sinabi nitong nakaratingna rin sakanya ang mga reklamo ng mga umuwing kababayan.

Sinabi ni Atchera na hindi ito makatarungan sapagkat sila ay nag-apruba ng budget ng hiniling ng MDRRMO at kung sakaling mapatunayan man na totoong tinitipid ang mga ito ay marapat lamang na mabigyan ng atensiyon at managot ang sinomang may sala.

“Hindi ito makatarungan sapagkat tayo ay nag-approve ng hiniling nilang budget, tapos ganitong klaseng pagkain lang ang makikita mong sini-serve nila sa ating mga kababayan. Dapat natin itong paimbestigahan,” ani Atchera.

Samantala, ipinaalam din ni Mariñas na sa ngayon ay hindi na sina Felizarte ang nag-susupply ng mga pagkain ng mga ROF at LSI sa munisipyo.

Exit mobile version