Setyembre 29, 2024 pormal nang binuksan ang Iwahig Eco Park sa Puerto Princesa City sa pangunguna ni Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ng Bureau of Corrections (BuCor). Layunin ng proyektong ito na magdagdag ng mga turista at makatulong sa mga Person Deprived of Liberty (PDLs) at sa kabuhayan ng lokal na komunidad.
Ang Iwahig Eco Park, na inihanda sa loob ng mahigit walong buwan, ay tampok ang Firefly Watching bilang pangunahing atraksyon. Target ng pamunuan na hindi lamang mga lokal kundi maging mga internasyonal na turista ang mahikayat na bisitahin ang eco park.
Ayon kay Director General Catapang Jr., layunin din ng proyekto na makatulong sa pagpapalago ng turismo sa Puerto Princesa. Plano rin niyang mabigyan ng trabaho ang mga PDLs na malapit nang lumaya bilang suporta sa kanilang muling pagsisimula sa lipunan.
Mga Rate at Package ng Iwahig Eco Park:
Local at Foreign Rate: Php 1,800 (kasama na ang van transportation, hapunan, at souvenir)
Walk-in Rate: Php 1,500
Palaweño Rate: Php 1,350 (kailangan lamang magpakita ng valid ID bilang patunay na residente ng Palawan)
Ang park ay magbubukas mula 5 PM hanggang 11 PM.
Kasama rin sa mga plano ang pagtatayo ng bagong paliparan sa loob ng Iwahig na may lawak na 1,02 hectares. Sa ganitong paraan, ang mga turista ay hindi na kailangang dumaan pa sa paliparan ng Maynila. Ililipat ang lahat ng PDLs sa Inagawan, bahagi ng lupain ng BuCor na may lawak na 29,000 hectares.
Ayon pa kay Catapang, may mga interesadong pribadong sektor na gustong mag-invest, tulad ng pagpapatayo ng dairy farm, na makakatulong din sa mga PDLs. Palalakasin din ang ekonomiya ng lokal sa pamamagitan ng mga proyektong pang-agrikultura.