Sinabi ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez sa live press briefing ng Provincial Information Office ngayong araw, June 4, na hindi umano na-elect si Narra Mayor Gerandy Danao upang magbuhat ng bigas at mamahagi ng galunggong sa mga nasasakupan.
“Hindi naman siya na-elect na mayor para magbuhat ng bigas. Hindi naman siya na-elect na mayor para mag-halukay ng galunggong. Hindi naman siya na-elect na mayor para mag-distribute ng ginamos. Eh, puwede naman niya i-utos ‘yun, eh,” ani ni Alvarez.
Sinabi din nito na napahiya umano ang alkalde matapos nitong banggitin sa nakaraang press conference nito na siya ay itinanghal na top 3 mayor sa buong bansa base sa survey na umano’y ginawa ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa report na inilabas ng Palawan Daily kahapon, June 3, mababasa rito na pinabulaanan ng mga piling opisyales ng DILG na sila ay nagsagawa ng ano mang “Top Performing Mayoral Survey.”
“Ang mali lang niya, pini-Facebook niya pa, sige. Pagkatapos number 3 mayor pa siya sa buong bansa, eh napahiya siya. Hindi naman totoo,” ani ni Alvarez.
Dagdag ni Alvarez, hindi umano masama na magkawang-gawa ang alkalde sa mga kababayan nito, subalit dapat ito ay naaayon at hindi makikitaan ng anomang paglabag sa saligang batas.
“Do what you have to do. Serve your constituents, but do it right. Sa sobrang sunod mo naman sa constituents mo, nakalimutan mo na sundin ang batas, eh saan ka pupunta?” ani ni Alvarez.
Napansin din ng gobernador na ang alkalde ay tila masyado nang nalilibang sa pagkawang-gawa at sa tuwing tatanungin ito sa mga nangyayari sa lokal na pamahalaan ay palagi itong walang maisagot.
“Hindi ka na-elect ng tao para magbuhat at bumili ng galunggong at ipamahagi sa kanila. ‘Yan lang ang opinyon ko. Now kung ang opinyon niya tama’ yung ginagawa niya, patuloy niya lang ‘yun, wala naman problema ‘yun dahil ‘yun lang ang alam niya eh. Tanungin mo siya, ano ba nangyari dito, ‘hindi ko alam”, ani ni Alvarez.
Giit din ni Alvarez na sa degree ng mga kaso ng alkalde ay maaring hindi lang siya matanggal sa pagka-mayor kundi siya ay makulong rin.
“Katulad ng special permit sa sabong, eh ang dami ng jurisprudence niyan. Hindi ka lang tanggal sa pagka-mayor, kulong ka pa,” ani ni Alvarez.
Sa huli, sinabi ng gobernador na sagutin na lamang ni Danao ang mga kasong kinahaharap.
“Hindi mo puwedeng hindi sagutin dahil naka-demanda kana sa Panlalawigan, eh. Sagutin lang niya tapos balik siya sakin. Patuloy lang namin siya bigyan nang advise at kung hindi siya makikinig, sino ba kami na mag-advise sa kanya na patuloy niyang hindi pinapakinggan?” ani ni Alvarez.
“Kung may politics man, dokumentado. Sagutin lang niya’ yun. So it’s up to the Sanggunian to decide whether he made a mistake. Hindi mo puwedeng sabihing ‘hindi ko kasi alam ‘yan.’ That’s ignorance,” dagdag niya.