Nilalayon ni Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn na maideklarang marine protected area ang Kalayaan Island at Scarborough Shoal sa West Philippine Sea, batay sa nilalaman ng kanyang isusulong na House Bill 6373 na mapagtibay ang proteksyon at preservation sa mga coral reef at iba pang marine resources ng bansa bukod pa sa pagbibigay proteksyon sa Spratly Islands.
Tinatayang aabot sa mahigit na tatlumpu’t apat na porsiyento ay mula sa bahaging ito ng karagatan sa mundo na kung saan ay nagsisilbing pamahayan ng iba’t-ibang uri ng isda.
Sa isang panayam ng mga mamamahayag sa kongresista, sinabi nito “sa bahagi ng Spratly Islands, 34% ng coral reef ay matatagpuan ditto at nagsisilbing tahanan ng mga isda.
Sa sandaling mawasak ang mga coral reefs, magkakaroon tayo ng fishery collapse at maaaring magresulta ng starvation. Kapag coral reefs ang naapektuhan, wala nang breeding ground yung mga isda.”
Layon din ng panukalang naturan ang huwag makaranas ng kakapusan sa suplay ng yamang dagat ang bansa, kaya’t hanggang maaga’y kailangang mabigyang proteksyon ang naturang lugar.
Bukod dito, tinuran ni Hagedorn ang ginawa noon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., na kung saan binigyang pansin ang Palawan ng pamahalaang nasyunal, na kung saan ay pamamaraan para igiit ng Pilipinas ang ownership sa mga pag-aari sa mga lugar na sakop ng ating exclusive economic zone.